Mitsa ng pagtaas ng COVID cases sa Pinas, dagling pagbaba sa Alert Level- doctors’ group

Mitsa ng pagtaas ng COVID cases sa Pinas, dagling pagbaba sa Alert Level- doctors’ group

January 2, 2022 @ 11:48 AM 8 months ago


MANILA, Philippines- Masyado umanong biglaan ang pagbababa sa alert level sa bansa, na maaaring naging sanhi ng pagtaas sa bilang ng bagong coronavirus disease (COVID-19), ayon kay Dr. Maricar Limpin, pinuno ng Philippine College of Physicians, nitong Linggo.

Nagdesisyon ang pamahalaan na isailalim ang bansa sa Alert Level 2  mula Enero 1 hanggang 15, 2022. 

Subalit simula sa Lunes, ilalagay ang Metro Manila sa Alert Level 3 hanggang Enero 15.

Subalit ayon kay Limpin, ang pagbaba sa alert level na nangangahulugan din ng mas maraming bukas na negosyo ay nakahihikayat sa mga tao na lumabas.

“Siguro masyadong mabilis ang pagbaba ng alert level. Kahit bumaba siguro ang alert level, medyo marami ang in-allow natin  na lumabas na maraming tao,” sabi ni Limpin sa dzBB.

Patuloy niya, mas marami ring bata ang nakalalabas kahit hindi sila bakunado laban sa virus.

“Katulad ng mga bata in-allow ho natin ‘yan. Marami sa mga bata ‘di nakasunod sa minimum public health standards at social distancing. Isa po ‘yan,” giit ni Limpin.

Mas mahina ang resistensya ng mg hindi bakunadong bata sa impeksyon, ani Limpin.

“Ang sa akin, nakita ko anim na buwan pa lang nag-positive na ho,” paglalahad niya.

Nitong Bagong Taon, naitala sa bansa ang 3,617 panibagong COVID-19 infections matapos makapagtala ng mababang bilang ng virus nitong mga nakaraang linggo. RNT/SA