Miyembro ng “Andaya Criminal Group” timbog sa Caloocan

Miyembro ng “Andaya Criminal Group” timbog sa Caloocan

June 8, 2022 @ 2:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ang isang pinaniniwalaang miyembro ng “Andaya Criminal Group” matapos bentahan ng baril at alukin pa ng granada ang isang pulis sa buy bust operation sa Caloocan City.

Kinilala ang naarestong suspek na si Jun Lemana alyas “Bay”, 39, vendor ng 43 Ovalleaf Maligaya St., Parkland Brgy. 177 ng lungsod.

Sa ulat, nakatanggap ang CIDG RGU NCR ng impormasyon na nagpapanggap ang suspek na aktibong tauhan ng AFP at nagbebenta ng baril sa northern part ng Metro Manila na naging dahilan upang isailalim siya sa validation.

Sa puntong iyon, nalaman ng pulisya na hindi na aktibo sa serbisyo ang suspek at nagpapatuloy ito sa kanyang ilegal na pagbebenta ng baril na naging dahilan upang isagawa ng mga operatiba ng CIDG SMMDFU at Army Intelligence Regiment ang buy bust operation sa kanyang bahay dakong alas-6 ng gabi.

Agad sinunggaban ng mga operatiba ang suspek matapos bintahan ng baril ang isang pulis umakto bilang poseur-buyer kung saan habang nagaganap umano ang transaksyon ay inalok din ni Lemana ang poseur-buyer ng isang granada.

Nakumpiska sa suspek ang isang cal. 45 pistol na may limang bala, isang hand grenade, 2 pirasong IDs (AFP ID and membership ID), isang set ng AFP iniform at P1,000 bill dusted money at boodle money.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 in relation to Election Gun Ban, Article 177 (Usurpation of Official functions), Article 179 (Illegal Use Of Uniforms Or Insignia) at RA 9516 (Illegal Possesion of Explosives). R.A Marquez