Miyembro ng judiciary protektado ni PBBM

Miyembro ng judiciary protektado ni PBBM

September 28, 2022 @ 3:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi kailanman papayagan o kukunsintihin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang anumang illegal na aktibidad na ang puntirya ay ang kahit na sinuman sa miyembro ng hudikaturang sangay ng pamahalaan.

Ang pahayag na ito ni Press Secretary Rose Beatrix “Trixie” Cruz-Angeles ay matapos na kondenahin ng ilang asosasyon at grupo ng mga hukom at abogado ang red-tagging at paninira laban kay Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 19 Presiding Judge Marlo Apalisok Magdoza-Malagar na nagbasura sa kaso ng gobyerno na ideklara bilang mga terorista ang Communist Party of the Philippines at ang armed wing nito, New People’s Army (CPP- NPA).

Hindi kasi tanggap ng ilang dating opisyal ng administrasyong Duterte ang desisyon na ito ng hukom partikular na ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) spokesman Lorraine Badoy kung saan inakusahan si Magdoza-Malagar na nag-aabogado para sa CPP-NPA.

“This administration will adhere to the rule of law. We will not endorse any illegal activity, and we will rely on the statement of the Department of Justice that this [case brought before Magdoza-Malagar’s sala] can be refiled,” ayon kay Cruz-Angeles.

Inakusahan ni Badoy, sa isang burado nang post si Magar na nag-aabogado sa CPP-NPA.

Noong hindi na nakikita ang post sa kanyang timeline, sa isa pang post, tinawag niya itong “fake news.”

Ipinaliwanag niya na ang sinabi niya ay ginamit ni Judge Malagar ang konstitusyon ng CPP-NPA bilang batayan sa halip na ang 1987 Constitution.

Sa kabilang dako, kaagad namang nagpalabas ng magkahiwalay na pahayag ang Philippine Judges Association (PJA) at ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) bilang tugon sa post sa social media ni Badoy.

Ayon sa pahayag na inilabas ng IBP, ang mga hindi makatwiran at hindi makatotohanang bintang na ito ay lampas sa saklaw ng patas na debate.

Sa halip ay nag-uudyok pa ng poot sa judicial system ng bansa.

“Stating rational reservations on the decisions of the judiciary is normal. Attacking its members (judiciary) and threatening them bodily harm is not. The judiciary’s job is to decide disputes. And no judge should ever feel threatened just by performing that duty,” ayon sa IBP.

Samantala, sinabi ng PJA na walang lugar sa demokrasya ang verbal attacks at pagbabanta ng karahasan lalo na kung opisyal o empleyado ng gobyerno ang naninira at nagsasagawa ng red-tagging.

“The Philippine Judges Association deplores in no uncertain term the undeserved vilification, red-tagging, and life-endangerment of a member of the judiciary. We call on the leadership of the present administration to declare that in no time under its watch will democracy be imperiled by an irresponsible and unfounded assault on a trial judge,” anang grupo.

Kasabay nito, tiniyak ng PJA sa publiko na patuloy nilang gagawin ang kanilang tungkulin na ipinag-uutos ng konstitusyon nang hindi napipigilan ng mga pagbabanta o paninira.

Matatandaang dinismis ni Magdoza-Malagar ang inihaing petisyon ng gobyerno na layong ideklara bilang mga terorista ang mga miyembro ng Communist Party of the Philippines at ng armadong sangay nito na New People’s Army. Kris Jose