Miyembro ng kilabot na robbery gang tiklo sa Taguig

Miyembro ng kilabot na robbery gang tiklo sa Taguig

September 11, 2022 @ 12:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Arestado ng mga operatiba ng Intelligence Section at Western Bicutan Sub-station ang isang miyembro ng kilabot na Bobby Arao robbery Group sa Taguig.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) acting director Kirby John Kraft ang dinakip na suspect na si Henry Sanoria, 39, miyembro ng Bobby Arao Robbery Group na nagsasagawa ng kanilang operasyon ng robbery-holdup sa mga lugar ng Taguig, Makati, Pasig, Muntinlupa at Meycauayan, Bulacan.

Si Sanoria ay nadakip ng Taguig City police dahil sa isang tawag na natanggap ng pulisya mula sa isang Barangay Intelligence Network agent na nagbigay ng impormasyon na ang suspect ay nakitang nanunutok ng baril sa lugar ng Purok 7, PNR Site, FTI Compound, Barangay Western Bicutan, Taguig City.

Makaraang matanggap ang impormasyon ay agad na nagtungo ang mga miyembro ng Intelligence Section at Western Bicutan Sub-station sa lugar at nakita nila ang suspect na nakaupo sa isang itim na motor na maya nakasukbit nab aril sa tagiliran.

Hindi na nanlaban ang suspect makaraang sitahin ito ng mga pulis kung saan nakumpiska sakanyang posesyon ang isang .38 kalibre rebolber na kargado ng tatlong bala.

Hinanapan ng dokumento ng kanyang bitbit na baril ang suspect gayundin ang motorsiklo na nagpapatibay na ito ay kanyang pag-aari ngunit wala itong maipakita at matapos ang beripikasyon sa Investigation Detective Management Section (IDMS) ay napag-alaman na ang motorsiklo ay nadiskubreng tinangay ng mga hindi pa nakikilalang suspect noong Setyembre 6.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Republic Act 10883 (New Carnapping Act of 2016) si Sanoria na kasalukuyang nakapaiit sa detention facility ng Taguig City police. James I. Catapusan