Miyembro ng PCG dinakma sa pagpapaputok ng baril

Miyembro ng PCG dinakma sa pagpapaputok ng baril

January 2, 2023 @ 7:04 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Himas-rehas ngayon ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG), nang maaktuhang walang habas na nagpapaputok ng baril bago ang pagsapit ng Bagong Taon sa kanilang barangay sa Quezon City, iniulat kahapon, Enero 1.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) PBGEN Nicolas Torre III ang nadakip na si Ferdinand Dela Cruz Bagundol Jr. III, 40 anyos, may asawa, miyembro ng PCG, nakatalaga sa General Services Division, Coast Guard Base Parola, residente ng Block 8 Lot 16 Don Ramon St., Hobart Village, Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Q.C.

Sa naantalang report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 8:37 ng gabi (December 31), nang maispatan ang suspek na nagpapaputok ng baril sa harapan ng kanilang bahay sa nasabing barangay.

Sa imbestigasyon ni PCpl Alexiss Mace L Jurado ng CIDU, nagsasagawa umano ng pagpapatrulya sina PSSg Gerry Dumalanta, PCpl Rey Reluya, at Pat Silven Razon, ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) ng Pasong Putik Poper Police Station (PS-16) nang makarinig ng mga putok ng baril sa lugar.

Agad nilang hinanap ang pinagmulan ng mga putok ng baril at naaktuhan pa ang suspek na nakatayo sa harapan ng kanilang bahay na may hawak na baril.

Nagtangka pang muling magpaputok ng baril ang PCG ngunit nang mamataan ang paparating na mga awtoridad ay nagmamadaling pumasok sa kanilang bahay ang suspek pero agad din siyang inaresto ng mga pulis.

Kinumpiska sa suspek ang (1) black leather sling bag na naglalaman ng (1) 9MM Shooters pistol na may serial M901210071, (2) magazines, isa dito ang may laman na pitong bala, habang pitong fired cartridge cases ang nasamsam sa lugar.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya. Jan Sinocruz