Miyembro ng PNP arestado sa hot pursuit ops

Miyembro ng PNP arestado sa hot pursuit ops

October 9, 2022 @ 12:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ng kabaro ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang hot pursuit operation o anti-illegal drug operations sa Quiapo, Maynila Linggo ng madaling araw, Oktubre 9.

Kinilala ang naaresto na si PMSg Rodolfo Mayo Jr y Bennag, 48, may-asawa, miyembro ng SOU NCR, PDEG, at nakatira sa Manggang Marikit, Guimba, Nueva Ecija.

Sa ulat ng Manila Police District, nagsagawa ng hot pursuit operation alas-2:30 ng madaling araw sa kahabaan ng Quezon Bridge, Quezon Boulevard ng naturang lungsod ang mga tauhan mula sa PDEG SOU 4A (PNP Drug Enforcement Group -Special Operations Unit 4A) bilang lead unit kasama ang iba pang unit ng pulisya sa koordinasyon na rin ng MPD-Station 3 at MPD Drug Enforcement Unit.

Ang naturang hot pursuit ay nag-ugat sa matagumpay na anti-illegal drugs operation na ikinasa noong Oktubre 8,2022 ng hapon sa Jose Abad Santos St.,Tondo, Maynila (Brgy.252, Zone 23) laban kay Rey Atadero y Saligumba alyas Mario na isinasangkot si PMSg Rodolfo B Mayo Jr. bilang co-conspirator sa pagbebenta ng mga illegal na droga kung saan natagpuan sa loob ng opisina ng Wealth & Personal Development Lending Inc. sa 1742 J.Abad Santos Avenue, Sta. Cruz, Maynila.

Nakuha sa lugar ang dalawang kilo ng white crystaline substance o hinihinalang shabu na tinatayang nasa P13,600,000, assorted bank accounts, baril at iba pa.

Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay pansamantalang nasa kustodiya ng SOU 4A PNP DEG para sa tamang documentation at disposition. Jocelyn Tabangcura-Domenden