Miyembro ng RCEP oversight panel, itinalaga na ng Senado

Miyembro ng RCEP oversight panel, itinalaga na ng Senado

February 23, 2023 @ 11:03 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan sa plenaryo ang itinalagang miyembro ng oversight panel na inaatasang mag-monitor sa implementasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) matapos pagtibayin ng ilang senador ang kasunduan.

Sa ginanap na sesyon nitong Miyerkoles, inihayag ni Senador Sonny Angara na pangungunahan ni Senate President Pro-Tempore Loren Legarda ang Senate Special Oversight Committee on RCEP bilang chairman.

Kabilang sa miyembro ng panel na titingin sa mega free trade deal ay sina Angara, Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel, Senador Imee Marcos, Cynthia Villar, Grace Poe, Mark Villar, Sherwin Gatchalian, Jinggoy Estrada at Alan Peter Cayetano.

Kamakailan, pinagtibay ng Senado ang ratipikasyon ng RCEP na pinaburan ng 20 mambabatas sa Resolution No. 486 at isa ang komontra at isa naman ang hindi bomoto.

Si Marcos ang nag-abstained, samantalang si Senador Risa Hontiveros ang hindi pumabor sa kasunduan.

Ipinalutang ang RCEP noong Agosto 2012 na isang free trade agreement sa pagitan ng miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at partners Australia, China, Japan, South Korea, at New Zealand.

Niratipikahan ito ni dating Pangulong Duterte noong Septembre 2021 at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Nobyembre 2022 at pinagtibay naman ng Senado kamakailan.

Nakatakda sa Saligang Batas na tanging ang Senado ang may tungkulin na ratipikahan ang anomang kasunduan o tratado sa ibang bansa na kasama ang Pilipinas.

Kailangan bumoto pabor ang 16 sa 24 miyembro ng Senado upang mapagtibay ang anomang international agreement o treaty upang maging balido at epektibo. Ernie Reyes