Miyembro ng ‘Sputnik gang’, inutas ng kalugar

Miyembro ng ‘Sputnik gang’, inutas ng kalugar

August 4, 2018 @ 2:40 PM 4 years ago


Malabon City – Dedbol ang isang miyembro ng ‘Sputnik Gang’ na sinasabing sangkot sa iligal na droga matapos kaladkarin palabas at tarakan sa dibdib ng kalugar kaninang madaling araw  sa Malabon City.

Nakatarak pa sa ibabang bahagi ng kanyang kaliwang dibdib ang patalim na ginamit ng suspek sa katawan ni Bernardo Operario alyas “Bochok”, 20 ng Brgy. Catmon.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang suspek na nakilala lang sa alyas ‘Bon-Bon’ na mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Sa pahayag ng saksing si Ruper Arciaga alyas ‘Bay’ kina police investigators PO3 Alcee Jumaquio at PO1 Archie Beniasan, pasado ala-1:00 ng madaling araw, nagkukuwentuhan sila ng biktima sa kahabaan ng Gov. Pascual sa gilid ng simbahan nang bigla na lamang sumulpot mula sa likod ang suspek at sapilitang kinaladkad si Operario patungo sa ‘dumpsite-taas’ nang nasa 20 metro ang layo mula sa simbahan.

Agad ipinaalam ng saksi sa kapatid ng biktima na si Jaycar, 25 ang insidente na mabilis namang tumakbo patungo sa naturang lugar subalit, pagdating nito nakita niya ang nakahandusay na bangkay ng kapatid sa simento habang nakatarak pa ang isang kitchen knife sa ibabang bahagi ng kaliwang dibdib nito.

Narekober ng mga tauhan ng NPD-SOCO sa kanang bulsa ng biktima ang P470 cash at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu habang ayon naman sa pulisya, matagal na umanong mainit ang suspek sa nasawi. (Roger Panizal)