Miyembro ng terorista patay sa engkwentro

Miyembro ng terorista patay sa engkwentro

May 25, 2022 @ 11:25 AM 1 month ago


MAGUINDANAO- Patay ang isang miyembro ng teroristang BIFF Karialan faction- Dawlah Islamiyah-Turaifie Group makaraan makasagupa ang militar Miyerkules sa lalawigan ito.

Kinilala ni B/Gen. Eduardo Gubat, acting commander ng 6ID at JTF Central, ang nasawi na si Sadam Salandang.

Ayon kay Gubat, nagsagawa ng operasyon ang Joint Task Force Central at 6th Infantry Division ng Philippine Army matapos makatanggap ng report hinggil sa presensya ng terorista na nanggugulo sa Brgy Ganta, Datu Salibo, Maguindanao.

Pagdating sa naturang lugar sinalubong ng mga putok ng baril ang mga sundalo kaya naman nagpakawala ng air assault sa kuta ng teroristang grupo.

Dahil dito, nagkalasan patakas ang mga terorista at inabandona nila ang bangkay ni Salandang.

Narekober naman ng militar sa lugar ng pinangyarihan ng engkuwentro ang mga matataas na kalibre ng baril, pampasabog at mga bala.

Samantala, inilikas naman ang mga residente sa lugar na posibleng balikan ng mga terorista at gantihan. Mary Anne Sapico