MM mayors nagkaisa sa mga polisiya kaugnay ng bagong alert level

MM mayors nagkaisa sa mga polisiya kaugnay ng bagong alert level

October 16, 2021 @ 4:50 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagkakaisa ang mga Alkalde ng Kalakhang Maynila pagdating sa major policies kaugnay ng implementasyon ng Alert Level 3 na nagsimula ngayong araw, Oktubre 16.

Tugon ito ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos sa ulat na sinabi di umano ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na hindi nakonsulta ang mga alkalde ng National Capital Region ukol sa pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 3.

Sinabi ni Mayor Teodoro na walang naging pag-uusap o pagpupulong na naganap sa pagitan ng Metro Manila Mayors at ng IATF (Inter-Agency Task Force) at natanggap na lamang aniya nila ang bagong alert level kaya ang ibang mayor nagtatanong at pinag-aaralan mabuti kung paano natin safely maiimplement itong bagong alert level system.

“Nagkaroon po kami ng pagpupulong dito last Sunday kasama po ang Department of Health – sila po ang pagpresenta tungkol sa sitwasyon po ngayon sa Metro Manila ‘no. Prinesenta nila, pinakita nila sa mga mayors ‘no tungkol po rito at open po sila sa katanungan,” ayon kay Abalos.

Giit pa ni Abalos na ang pagbababa ng alert level, ay desisyon ng Department of Health (DoH).

“Ayon sa pilot po natin na kondisyon, iisang ahensiya lamang ang magdi-determine dito – hindi po ang mga mayors ‘no, hindi po kung sinuman, even DTI. Ayon sa kondisyon, it is only the Department of Health ‘no. Maaari kukuha siya ng feedback ‘no at mayroon siyang metrics pero Department of Health lang. Iyon ang pagkakataong magbigay ng mga suhestiyon, kung anong mga komento ‘no,” ang pahayag ni Abalos.

“So inuulit ko ‘no: Ang mga mayors as always ay nagkakaisa and under the condition of the alert level, ang DOH po – sapagkat sila po ang may epidemiologist, sila ang may algorithm group ‘no, sila po ang eksperto pagdating sa kalusugan, kaya ang napag-usapan namin before ay we always defer to the wisdom of the IATF pagdating po rito; ganoon po ang nangyari,”dagdag na pahayag ni Abalos.

Sa ulat, Giit ni Teodoro, wala namang problema sa pagpapalago ng ekonomiya para bumangon ito, pero dapat ay nailatag muna nang maayos ang guidelines sa ilalim ng alert level 3.

Giit pa niya na dahil walang konsultasyon, nagkukumahog tuloy ang mga alkalde na ipatupad ang nasabing alert level.
Samantala sa isa ring interbyu, sinabi ni Navotas Mayor Toby Tiangco na hindi rin nila inirekomenda ang pagpapaluwag sa restriksyon. Kris Jose