MMDA: 69 nakatanggap ng atensyong medikal sa kasagsagan ng Pista ng Itim na Nazareno

MMDA: 69 nakatanggap ng atensyong medikal sa kasagsagan ng Pista ng Itim na Nazareno

January 9, 2023 @ 11:34 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatanggap ang 69 na deboto na lumahok sa iba’t ibang aktibidad sa Pista ng Itim na Nazareno sa Maynila ng tulong medikal mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ayon sa opisyal nitong Lunes.

“Compared sa mga nakaraan na Traslacion natin, isa po ito sa pinakamababa na cases na na-handle namin sa MMDA,” ani Hanna Zaballero, deputy head ng Road Emergency Group ng MMDA.

Sa nasabing bilang mula Enero 6 hanggang alas-6 ng umaga nitong Enero 9, sinabi ni Zaballero na anim ang kaso ng trauma o mga gustong ipasuri ang kanilang mga kasalukuyang sugat; 11 ay mga medikal na kaso o ang mga nakaranas ng pagkahilo o sakit ng ulo, at 52 ang nais lamang na ipasuri ang kanilang presyon ng dugo.

Inihayag din ni Zaballero na hindi kasama sa bilang ang mga humingi ng tulong medikal sa Philippine Red Cross, medics mula sa Philippine National Police at Manila City Health Department.

Humigit-kumulang 38,000 deboto ang nagtipon sa Quirino Grandstand sa Rizal Park nitong Linggo para sa “Pagpupugay” o pagtingin at paghawak sa imahe ng Itim na Nazareno, isa lamang sa mga aktibidad na may kaugnayan sa taunang kapistahan.

Tinatayang 88,000 deboto naman ang dumalo sa kauna-unahang Walk of Faith, na idinaos kapalit ng tradisyunal na Traslacion na hindi pinayagan ngayong taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Nagsimula ang paglalakad mula sa Quirino Grandstand sa Luneta Park bandang ala-1:30 ng umaga at natapos pagkalipas ng dalawa’t kalahating oras pagsapit sa Minor Basilica of the Black Nazarene, na mas kilala bilang Quiapo Church.

Para sa mga nagbabalak pa ring sumali sa mga aktibidad, hinimok sila ni Zaballero, lalo na ang mga matatanda, na magdala ng tubig at pagkain at gayundin ng gamot kung mayroon silang mga kondisyong medikal.

Hinikayat din ang mga dumalo na maghanda para sa anumang uri ng panahon at patuloy na sundin ang mga minimum health standards kontra COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face mask at madalas na paghuhugas ng kamay sa pamamagitan ng rubbing alcohol o hand sanitizer. RNT/SA