MMDA: Bahagi ng Macapagal Blvd sarado sa April 22-24

MMDA: Bahagi ng Macapagal Blvd sarado sa April 22-24

April 19, 2022 @ 8:03 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng stop-and-go traffic scheme sa kahabaan ng Roxas Boulevard at Diokno Boulevard bukas, Abril 20.

Ito ay dahil sa isasagawang World Travel and Tourism Council Global Summit 2022 kung saan daan-daang foreign delegates ang inaasahang dadalo ayon sa Philippine Tourism Promotions Board.

Mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi, kabuuang 415 tauhan ng MMDA ang ipapakalat para matiyak na magiging maayos ang daloy ng mga sasakyan sa mga nasabing kalsada.

Samantala, isang lane lamang ang madadaanan ng mga motorista mula sa Diosdado Macapagal Boulevard papuntang Buendia Avenue na epektibo simula April 19 hanggang April 21, habang ipapatupad ang full road closure mula April 22 hanggang 24.

Dahil dito, inaabisuhan ang mga motorista na umiwas na muna sa nasabing kalsada at maghanap ng alternatibong ruta.

Samantala sa Facebook post, sinabi ng National Museum of the Philippines na sarado muna ang National Museum of Natural History bukas upang bigyang-daan ang naturang summit.

Pero mananatili naming bukas para sa mga walk-in visitors mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon ang National Museum of Fine Arts at ang National Museum of Anthropology. RNT/ JCM