MMDA buwagin na – solon

MMDA buwagin na – solon

February 28, 2023 @ 7:29 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinabubuwag ng kongresista sa Maynila ang Metropolitan Manila Development Authority alinsunod sa hakbang ng administrasyong Marcos para sa rightsizing ng government bureaucracy.

Sa isang privilege speech, sinabi ni Manila Rep. Joel Chua na dapat tanggalin na ang MMDA at ang mananatili lamang ay isang konseho ng mga alkalde ng National Capital Region (NCR) na suportado ng isang maliit na secretariat.

Nanindigan si Chua, vice-chair ng House Committee on Metro Manila Development, na ang MMDA ay pasok sa hurisdiksyon ng mga local government units (LGUs) at national government agencies, nilabag ang Local Government Code, nadoble ang mga tungkulin ng mga national agencies, at sinasayang ang bilyun-bilyong pondo ng publiko mula sa mga proyektong hindi ipinatupad.

“Nais nating makatipid sa pondo ng bayan, magamit ang mga pondo sa wastong paraan, at magawa nang tama ang mga proyekto at programa para sa National Capital Region,” ani Chua.

May kabuuang taunang budget ang MMDA na  P10 bilyon mula sa General Appropriations Act na higit na mas malaki kaysa sa karamihan ng mga badyet ng mga pambansang departamento.

Sinabi rin niya na matagal nang napagkasunduan ng Korte Suprema na walang legislative power, o police power ang MMDA.

Sinabi ni Chua na ang mga alalahanin, isyu at sitwasyon sa buong metro ay maaaring matugunan ng isang konseho ng mga alkalde ng NCR, na maaaring magkaroon ng ilan sa kanilang mga desisyon na pagtibayin ng mga legislative council sa NCR upang magkaroon ng legislative character at effect.

Aniya pa na ginugulo lang ng MMDA ang buhay ng mga residente ng Maynila sa pamamagitan ng mga operasyon nito na kinasasangkutan ng demolisyon ng mga tahanan, paglilinis ng mga kalsada at bangketa at traffic management at enforcement. RNT