MMDA IPINABUBUWAG NG MANILA 3RD DISTRICT CONGRESSMAN

MMDA IPINABUBUWAG NG MANILA 3RD DISTRICT CONGRESSMAN

March 1, 2023 @ 1:39 PM 3 weeks ago


MUKHANG malalim ang hugot ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa kanyang privileged speech nang hilingin ang pagbuwag sa Metropolitan Manila Development Authority matapos ang halos limang dekadang pamamayagpag ng ahensiya.

Hindi nagugustuhan ng dating Konsehal ng Lungsod ng Maynila ang umano’y pakikialam ng MMDA na kasalukuyan pinamumunuan ni Atty. Romando “Don” Artes sa kapangyarihan ng local government units kabilang ang Maynila.

Ayon kay Rep. Chua, hindi lang ang kapangyarihan ng LGUs ang sinasaklawan ng MMDA kundi maging ang gampanin ng national government kung kaya’t nagdodoble lang ang gawain ng mga ahensiya.

Bilang chairman ng House Committee on Metro Manila Development, naniniwala si Chua na nasasayang ang bilyong halaga ng pondo ng bansa dahil sa hindi naipatutupad na proyekto ng MMDA dahil naging “bloated bureaucracy” na ito.

Noong 2011, ayon pa kay Chua, umaabot lamang sa 6,812 ang mga kawani at opisyal ng MMDa subalit nitong nakalipas na 10 taon ay lumobo ito sa 9,767 na may inilalaang P10 bilyong pondo mula sa General Appropriation Act bukod pa sa kinikita ng ilang tang
gapan nito na higit na mas malaki kumpara sa inilalaan sa mga kagawaran ng pambansang pamahalaan.

Gayunman, nais naman nito na manatili ang Metro Manila Council na kinabibilangan ng mga halal na alkalde ng Metro Manila na umuugit ng mga panuntunan at alituntunin ng MMDA at hindi katulad ng mga umuupong chairman nito na pawang naitalaga lang sa puwesto.

Naniniwala si Chua na panggulo lang ang MMDA sa mga residente at negosyo sa Kamaynilaan kaya’t nararapat lang na buwagin. At aniya, tama naman ito sa programa ni Pangulong Bongbong Marcos na National Government Rightsizing.

Iginiit ni Chua na lumalampas na sa tungkulin nito ang MMDA dahil maging ang trabaho ng Philippine National Police ay pinanghihimasukan na nito gayong malinaw sa desisyon ng Korte Suprema na wala itong kapangyarihang lumikha ng batas at wala rin itong ‘police power’.

Sa panig naman ni Artes, handa siyang tumalima kung iuutos ni Presidente Marcos ang pagbuwag sa pinamumunuan niyang ahensiya lalo’t ang ahensiya ay nilikha noong Nobyembre 5, 1975 sa ilalim ng administrasyon ng ama ni PBBM na si i dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.