MMDA: Libreng sakay sa Pasig River Ferry, tuloy

MMDA: Libreng sakay sa Pasig River Ferry, tuloy

December 28, 2022 @ 4:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkules na nakatanggap ito ng budget upang ituloy ang programang libreng sakay sa Pasig River Ferry Service.

“Meron pong binigay na pondo ang atin pong national government sa budget po ng MMDA para ituloy ang Libreng Sakay sa ating Pasig River Ferry,” ani MMDA deputy chairperson Undersecretary Frisco San Juan Jr. sa televised public briefing.

Ayon kay San Juan, makatutulong ang pagpapatuloy ng libreng sakay upang maibsan ang traffic situation sa mga kalsada.

Nag-aalok ang MMDA ng libreng sakay sa Pasig River Ferry na may mga istasyon sa Pinagbuhatan, San Joaquin, Maybunga, Kalawaan, Guadalupe, Valenzuela, Hulo, Lambingan, Sta. Ana, PUP, Lawton, Escolta, at Quinta.

Samantala, sinabi ni San Juan na matagumpay ang paglalagay ng motorcycle lanes sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Balak ng MMDA na palawigin ang motorcycle lanes sa major roads sa Metro Manila.

Bukod dito, inihayag ni San Juan na hinihintay ng MMDA ang rekomendasyon ng nga ahensya ukol sa posibleng “green routes” na ilalaan para sa electric vehicles.

Nauna nang kinonsulta ng Department of Energy ang MMDA ukol sa paglalagay ng nasabing green routes.

“Hinihintay po natin ang kanilang mga rekomendasyon at pag-aaralan po natin. Pagkatapos po noon ay atin din pong ikokonsulta sa DOTr kung anuman ang kanilang magiging mga rekomendasyon,” ani San Juan. RNT/SA