MMDA magtatalaga ng 2,000 personnel sa inagurasyon ni Marcos

MMDA magtatalaga ng 2,000 personnel sa inagurasyon ni Marcos

June 25, 2022 @ 2:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Magtatalaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 2,000 personnel sa inagurasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paligid ng National Museum sa June 30, ayon kay chairman Romando Artes.

Sa isang pahayag, sinabi ni Artes na ang 2,000 tauhan ay magmumula sa Traffic Discipline Office ng MMDA, Metro Public Safety Office, at Sidewalk Clearing Operations Group para sa traffic management, clearing operations, at emergency response.

Ang nasabing mga personnel ay kabilang ang mahigit 15,000 tauhan na itatalaga sa event na inanunsyo ng National Capital Region Police Office.

Inaasahang dadalo sa inagurasyon ang mga papasok na miyembro ng Gabinete, diplomat, mambabatas, miyembro ng Hudikatura, internasyonal at lokal na media, at iba pang panauhin.

Samantala, ang MMDA ay magpapatupad din ng mga pagsasara ng kalsada at re-routing plans sa paligid ng National Museum, Manila City, at iba pang lugar kung saan gaganapin ang mga kaganapan kaugnay ng panunumpa ni Marcos Jr bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas.

Ang iskedyul ng pagsasara ng kalsada at alternatibong ruta ay iaanunsyo sa MMDA Facebook page. Jocelyn Tabangcura-Domenden