MMDA nagbabala sa mabigat na daloy ng trapiko sa Hunyo

MMDA nagbabala sa mabigat na daloy ng trapiko sa Hunyo

May 20, 2022 @ 6:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Dapat nang asahan ng mga motorista ang mabigat na daloy ng trapiko simula sa susunod na buwan ng Hunyo.

Ito’y bunsod ng posibleng pagpapatuloy ng face-to-face classes sa ilang lugar sa bansa.

“Before elections nag-conduct kami ng volume count. Ang lumabas sa aming bilang, 400,000 which is sa EDSA. It is 5,000 less na lang sa pre-pandemic level na 405,000,” ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) MMDA Chairperson Romando Artes.

“’Yan ay wala pa po ‘yung face-to-face classes. Kaya ine-expect namin na pagdating ng June, ‘pag tuloy po ang face-to-face classes, ay mas bibigat ang traffic dahil mabe-breach na ‘yung 405,000 na pre-pandemic,” anito.

Gayunman, sinabi ni Artes na inaasahan naman ng MMDA ang mabilis na byhae sa capital region sa kabila ng mabigat na traffic build-up.

Ito’y dahil na rin aniya sa implementasyon ng EDSA bus carousel at pinahusay na imprastraktrura gaya ng tulay at Skyway.

“We expect na mas mabilis pa rin po sa pre-pandemic na travel speed dahil, unang-una, yung epekto ng bus carousel at pagbabawal na pumasok ang provincial buses sa ngayon sa Kamaynilaan… Ganun din po yung mga infrastructure projects lalo na yung mga binuksan na mga tulay at Skyway. Malaki rin po ang epekto nyan,” ayon kay Artes.

“Kaya po in terms of speed ng vehicles mas mabilis po pre-pandemic levels although asahan po natin during rush hour ay magiging mabigat ang daloy,” aniya pa rin.

Noong buwan ng Marso, ipinanukala MMDA ang dalawang bagong number coding schemes na magbabawal sa mga sasakyan sa pampublikong daanan sa kalagitnaan ng rush hours upang mabawasan ang matinding trapiko sa Metro Manila.

Prinisenta ni Artes ang panukala sa layuning makabawas ng bigat ng trapiko ng hanggang 5%.

Una, pagbabawalan ang mga sasakyan na may registration plates na may odd last numbers na 1,3,5,6 at 9 sa mga pampublikong daanan sa Lunes at Huwebes mula alas syete hanggang alas diyes ng umaga  at mula alas singko ng hapon hanggang alas otso ng gabi.

Pangalawa, ang mga sasakyan na may registration plates na even numbers na 2,4,6,8, at 0 ay pagbabawalan mula sa mga pampublikong daanan kada Martes at Biyernes sa kalagitnaan ng kaparehong oras.

Ibig sabihin, ang lahat ng sasakyan ay maaari lamang gumamit ng pampublikong daanan kada Miyerkules. Kris Jose