Manila, Philippines – Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bawal pa rin ang mga tricycle sa national roads, taliwas sa ulat ng isang kilalang pahayagan.
Sa ulat kasi ng isang pahayagan noong Miyerkules, nagkaroon na daw ng memorandum of agreement ang MMDA, Department of Transportation at mga mambabatas upang payagan ang mga tricycle sa mga pangunahing kalsada.
Mariin naman itong pinabulaanan ni MMDA general manager Jojo Garcia at sinabing, “Bawal po talaga ang tricycle sa national road… Hinuhuli po namin iyung mga and’yan sa Commonwealth, Marcos Highway, Roxas Boulevard, EDSA — bawal na bawal po talaga iyan.”
Dagdag pa ni Garcia, ang tanging pinagkasunduan lang ng mga awtoridad ay ang payagang makabiyahe ang mga tricycle sa Katipunan Road habang hinahanapan pa ito ng alternatibong ruta.
“Nililinaw po natin na sa Katipunan lang at hindi sila pwedeng mag-overtake. Hindi porket pinayagan sila ay pwedeng na nilang suwayin ang mga batas trapiko.”
Nagbabala pa si Garcia na patuloy ang paghuli ng MMDA sa mga tricycle na susuway sa anumang batas trapiko. (Remate News Team)