MMDA rescuer niratrat ng tricycle boy sa Bulacan

MMDA rescuer niratrat ng tricycle boy sa Bulacan

January 13, 2022 @ 6:29 PM 1 week ago


Bulacan- Arestado ng mga awtoridad ang 42-anyos na tricycle driver matapos pagbabarilin at mapatay ang isang kaalitang MMDA rescuer sa bayan ng Angat.

Kinilala ang suspek na si Marlon Binavice, residente ng Brgy. Pulo, San Rafael, habang ang napatay ay isang 47-anyos na lalaking MMDA rescuer, residente ng Brgy.San Roque.

Sa ulat ng Angat police, nangyari ang insidente bandang alas-5 ng hapon nitong Miyerkules sa Brgy. San Roque.

Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo ang suspek tungkol sa parking area sa harap ng bahay ng biktima.

Dahil dito, nag-init ang ulo ni Marlon na umalis saglit at nang bumalik ay walang kaabog-abog na pinagbabaril ang biktima na tumama sa iba’t ibang parte ng katawan niya.

Agad dinala sa Norzagaray Municipal Hospital ang biktima para sa paunang lunas subalit namatay din kalaunan.

Mabilis na tumakas ang suspek subalit agad  nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya kaya nahuli ito.

Nakumpiska sa operasyon ang .38 Smith and Wesson revolver na may serial no.219364, limang bala, basyo at Maton CPI motorcycle na walang plaka.

Sinasabing personal at dating alitan ng pamilya ang nakikita ng mga awtoridad na nagpasiklab sa naturang insidente.

Nahaharap sa kasong murder at pagalabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code ang suspek habang nakakulong sa naturang himpilan. Dick Mirasol III