MMDA sa DPWH: Mobile pumps gamitin para sa baha

MMDA sa DPWH: Mobile pumps gamitin para sa baha

August 10, 2022 @ 11:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na gamitin ang mobile pumps upang maibsan ang baha sa Metro Manila.

Kasunod ito ng kumpirmasyon ng DPWH nitong Martes ng ulat ukol sa Padre Faure drainage, Remedios Drainage, at Estero de San Antonio na sinaraduhan upang magbiga-daan sa renovations na makatutulong sa Manila Baywalk Dolomite Beach. 

Dahil sa pagsasara sa 3 drainage systems, nagdulot ito ng pagbaha sa Manila, ayon sa ulat.

“Makipag-usap kami sa DPWH na i-mobilize na nila yung mga mobile pumps. Meron naman silang mga mobile pumps eh,” ani MMDA acting general manager Baltazar Melgar.

“So katulad dyan sa area ng Malate, dyan sa Baywalk, siguro eh i-mobilize muna natin, magtemporary tayo ng mga mobile pumps, i-deploy natin sa area, para maibsan naman yung pagbaha dyan sa naturang lugar,” dagdag niya.

Inihayag ni Melgar na mayroong 71 pumping stations sa Metro Manila, na magiging 75 kapag nakumpleto na ang apat na proyekto ngayong taon.

Nanawagan din ang opisyal sa publiko na intindihin ang government officials na nagtatrabaho upang matapos ang konstruksyon ng ilang pumping stations. 

“Kasi yung ating ginagawang proyekto dyan ay talagang magdudulot din ng inconvenience, so talagang makakaranas tayo ng pagbaha pero yun namang baha ay passable naman po to all types of vehicles.”

“So, konting (pagbigyan) na lang po ang DPWH eh matatapos na this coming September. Konting pasensya lang po,” aniya. RNT/SA