MMDA sa P1.1B fund transfer ng DICT: Walang ilegal rito

MMDA sa P1.1B fund transfer ng DICT: Walang ilegal rito

November 25, 2022 @ 7:53 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – ‘Wala pong ilegal dito.’

Ito ang naging tugon at pagtitiyak ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairperson Romando Artes, Jr. sa publiko ukol sa P1.1 bilyong fund transfer na nakuha ng ahensya mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Nauna kasing inakusahan ni Northern Samar Representative Paul Daza ang MMDA na kumikita sa DICT gamit ang P1.1 national broadband project, gayundin ang pagpapatupad ng umano’y overpriced na mga programa na kinasasangkutan ng mga parke at pagbili ng mga laptop.

Dagdag pa ng mambabatas na masyadong mahal ang nasabing pondo at hindi umano ito nai-transfer sa kwestyunableng contractor.

“Wala pong ilegal or suspicious rito dahil hindi naman po ito trinansfer para i-park lang ang pera kundi para sa isang napakagandang project na makikinabang ang mamamayan at pamahalaan,” ani Artes sa isang press conference.

Sinabi ni Daza na kahina-hinala na isang bidder lamang ang kuwalipikado para sa proyekto na tinukoy niya bilang joint venture sa pagitan ng A-WIN at NET PACIFIC, Inc.

Kinumpirma ni Artes na ang joint venture ay pumasa sa inisyal na bidding qualification ngunit nilinaw nito na ang national broadband project ay hindi pa nagagawad.

“It is still in the Technical Working Group process, we are still evaluating documents. We actually received a lot of inquiries about the project, they asked for terms of reference, but these people did not participate and I don’t know their reason,” tugon naman ni Artes sa nasabing isyu.

Sinagot din ni Artes ang tungkol sa isyu ng parke at laptop at iginiit na ang pagbili rito ay nakapaloob sa spending limits at sumailalim sa due process. RNT