Mobile COVID-19 vaxx sa mga paaralan, ikakasa ng DepEd

Mobile COVID-19 vaxx sa mga paaralan, ikakasa ng DepEd

July 27, 2022 @ 6:48 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules na nakikipag-ugnayan ito sa Department of Health (DOH) upang magkasa ng mobile COVID-19 vaccination sa mga paaralan kasabay ng muling pagbubukas ng klase sa Agosto 22.

Inanunsyo ito ni DepEd spokesperson Michael Poa sa isang press conference, subalit nilinaw na hindi mandatoryo ang COVID-19 vaccination sa mga mag-aaral na makikilahok sa face-to-face classes.

“‘Yung vaccination is really mandatory by nature. We really respect na voluntary siya so we will not discriminate against any of the students or even teachers and non-teaching staff na ayaw talagang magpabakuna,” aniya.

Inihayag din ni Poa na ipinag-utos ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa DepEd regional offices na mag-organisa ng counseling sessions sa unvaccinated learners, sa tulong ng DOH regional offices.

“Ang Department of Education ay tuloy-tuloy na nakikipag-ugnayan at ginagawa ang lahat para masigurado na maayos, mapayapa, at ligtas ang ating mga learners sa pagbabalik eskwela,” paglalahad niya.

Nauna nang sinabi ni Duterte na hindi magiging problema ang pakikisalamuha ng mga bakunado at mga hindi bakunado laban sa COVID-19 sa muling pag-arangkada ng face-to-face classes.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Philippine Federation of Professional Association Vice President III Dr. Benito Atienza na nakikipag-ugnayan na sila sa mga paaralan bago muling magbukas amg mga klase upang mahikayat ang mga bata na magpabakuna.

Nanawagan din siya sa DepEd tona makipagtulungan sa local government units (LGUs) na paigtingin ang COVID-19 inoculation sa mga mag-aaral.

“Ang importante ngayon ay ang ating healthcare system na kailangan nating palakasin at kailangan nating ituro sa mga bata. Dapat ang DepEd makipag-coordinate sa LGUs lalo na bago pumasok ay sana ang mga kabataan na 5 to 18 [years old] na kasama sa childhood hanggang adolescent ay mabigyan ng bakuna,” aniya.

Inilahad naman ni Poa na hanggang nitong Miyerkules, hindi bababa sa 5.6 milyong mag-aaral sa buong bansa ang nakapagpatala na para sa School Year 2022 hanggang 2023.

“Good news naman po. Maganda ang turnout natin this year on the first day of enrollment. Nakapagtala po tayo ng 3.3 million enrollees…noong first day. It is a far cry doon sa naitala natin last year which was only a little bit over 222,000 enrollees,” pahayag ni Poa. RNT/SA