P14.7M iligal na droga naharang ng BOC sa NAIA

August 11, 2022 @6:32 PM
Views:
6
MANILA, Philippines- Nasabat ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport ang tatlong pakete ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P14.7 milyon ngayong araw.
Sa ulat ng Port of NAIA, isang outbound parcel sa DHL Warehouse ang naglalaman ng 300 gramo ng methamphetamine hydrochloride (HCL), na kilala sa tawag na shabu, na nakatago sa loob ng wall sticker.
Habang nasa dalawa pang papasok na parcel sa Central Mail Exchange Center (CMEC) ang naglalaman ng Ecstasy na nakatago naman sa loob ng mga karton at bed sheet.
Ang palabas na kargamento ay idineklara na palamuti sa bahay (wall sticker) at sumailalim sa X-ray, na kalaunan ay nagpakita ng mga puting kristal na sangkap. Kalaunan ay napatunayang shabu ito na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P2.04 milyon.
Idineklarang “women’s and baby wear gift” ang ikalawang shipment na papasok sa CMEC, ngunit nabuking ito na Ecstasy na nagkakahalaga ng P8.9 milyon. Ang huling shipment, na hindi idineklara, ay nakumpirma rin na mayroong Ecstasy, na nagkakahalaga ng P3.8 milyon.
Ayon sa Port of NAIA, patuloy ang imbestigasyon para arestuhin ang nasa likod ng illegal trade dahil sa posibleng paglabag sa Republic Act (RA) 9165, o Comprehensive Drug Act at RA 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). JAY Reyes
P46M yosi nasabat ng BOC

August 11, 2022 @6:18 PM
Views:
10
MANILA, Philippines- Tinatayang nasa higit P46 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo ang muling nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Subic na nagmula sa bansang Singapore.
Ayon sa BOC, nakatanggap ang Port ng impormasyon sa nasabing kargamento, na nagresulta sa pagpapalabas ng Pre-Lodgement Control Order. Nasa kabuuang 1,122 master case ng Marvels Filter Cigarettes na idineklara bilang mga tela ang natuklasan sa pisikal na pagsusuri.
Sa isinagawang imbestigasyon, na ang nagsilbing consignee ng nasabing kontrabando na Proline Logistics Philippines Inc., ay hindi rehistradong SBMA locator ng mga dayuhang sigarilyo at produktong tabako. Hindi rin ito kasama sa listahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) List of Registered Importers of Cigarette Brands.
Dahil dito, naglabas ng warrant of seizure at detention si Maritess T. Martin, District Collector ng Port, laban sa shipment dahil sa paglabag sa National Tobacco Administration (NTA) Memorandum Circular No. 03 at Republic Act No. 10863, o ang Customs Modernization Tariff Act.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay nasamsam ng nasabing Port ang dalawang shipment na nagkakahalaga ng P84.97 milyon mula sa parehong consignee.
Sinabi ni Martin na patuloy na palalakasin ng Port of Subic ang mga pagsisikap nito sa pagprotekta sa hangganan laban sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na produkto sa bansa. JAY Reyes
DOLE naglabas ng P128M tulong para sa Abra quake victims

August 11, 2022 @6:04 PM
Views:
14
MANILA, Philippines- Naglabas ng mahigit P128 milyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) para matulungan ang mga lugar na tinamaan ng mapanirang lindol noong nakaraang buwan.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang tulong ay nakinabang sa 16,526 na biktima ng malakas na pagyanig na sumira sa maraming bahagi ng Northern Luzon.
Sinabi ni Laguesma na kabuuang P128,908.073.54 ang na-disbursed ng DOLE para sa kanilang tulong at patuloy na mga programa bilang tugon sa kalamidad.
“The bulk of the assistance or over P57 million was mainly coursed through the Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Distressed Workers or TUPAD,” sabi ni Laguesma.
Ang TUPAD ay ang cash for work program ng Kagawaran na ginagamit para sa disaster response.
“The remaining part of the fund went to financing our continuing programs such as skills training, government internship program, livelihood and AKAP,” anang Labor chief.
Ang AKAP ay isang beses na tulong pinansyal na ibinibigay sa mga umuuwi na overseas Filipino workers na apektado ng krisis.
Kabilang sa mga patuloy na programa ay ang joint training-cum-production at emergency employment program ng DOLE at TESDA para sa grupo ng mga manggagawa na gumawa ng mga rehabilitasyon sa mga nasirang imprastraktura at heritage structures.
Ang mga lugar na sakop ng aid program ay ang Region 1 sa Ilocos, Region 2 sa Cagayan Valley at ang Cordillera Administrative Region, sabi ni Laguesma.
Aniya, ang Ilocos Region ay nakakuha ng pinakamataas na tulong na nagkakahalaga ng mahigit 72 milyon na nakinabang sa 7,300 biktima habang ang CAR na nagho-host sa Abra – ang sentro ng lindol – ay nakatanggap ng mahigit P55 milyon para suportahan ang 9,190 residenteng naapektuhan ng lindol.
Sa kabilang banda, mahigit P200,000 ang naibigay na tulong sa Cagayan Valley na may 36 na benepisyaryo, dagdag niya.
Sinabi ni Laguesma na patuloy na sinusubaybayan ng DOLE ang mga development sa Northern Luzon upang matukoy nito ang tugon na maibibigay nito sa mga nangangailangang probinsya.
“Our instruction from the President is very clear and that is to help our countrymen recover from the tragedy. We are sending help to the affected regions as fast as we can,” dagdag ng labor chief. Jocelyn Tabangcura-Domenden
Metro Manila Council meeting pinangunahan ni MMDA Acting Chair Dimayuga

August 11, 2022 @6:03 PM
Views:
14
MANILA, Philippines- Pinangasiwaan ni MMDA Acting Chairman Engr. Carlo Dimayuga ang una niyang Metro Manila Council meeting sa bagong gusali ng MMDA sa Pasig City, Huwebes.
Tinalakay ng mga opisyal ang panukalang muling ipatupad ang expanded number coding bilang paghahanda sa pag-arangkada ng face to face classes sa Agosto 22. (Mga larawan kuha ni Danny Querubin)
LTFRB oks sa bus fare hike petition

August 11, 2022 @5:50 PM
Views:
26