Umani ng napakaraming negatibong komento mula sa netizens, intelektwal, relihiyoso at politikong umaastang disente ang viral na “pepe-dede video” na ginawa ni Presidential Communications Asst. Secretary Mocha Uson.
Anila, malaswa ang video at hindi ito nararapat gamitin sa isang kampanya na mahalaga tulad ng pagpapalit ng porma ng Konstitusyon mula sa presidential patungo sa federal na sistema.
Pero ang totoo, aminin man ng mga disenteng tao o hindi, nagawa na ni Mocha at ng katandem niyang si Drew Olivar ang hindi nagawa sa napakatagal nang panahon ng mga grupong naatasang ibandila at ipakilala ang pederalismo sa bayan.
Sinasabing nasa P100 milyon ang inilaan ng gobyernong Duterte para sa media campaign ng federalism, pero kung ang resulta ng mga survey ang pagbabasehan, lumalabas na bigo silang gisingin ang kamalayan ng madla hinggil dito.
Dahil sa ginawang ‘malaswa’ kunong video ni Mocha, biglang nagkaroon ng mainit na usapan sa pederalismo at ang iba’y ngayon nalaman na mayroon palang ganitong panukala.
Dapat tandaan ng mga moralista at intelektwal na ginampanan lang ni Mocha ang kanyang trabaho bilang tagahatid ng mensahe.
At kung ang reaksyon ng bayanan ang pagbabasehan, nagawa niya ito nang napakahusay bagama’t hindi nga lang pasado sa panlasa ng ilang disente at moralista ang “pepe-dede video.”
May kasabihan tayo na ‘publicity whether good or bad is still a publicity.” Ibig sabihin, walang pagkakaiba ang publisidad basta makuha nito ang atensyon ng target nitong merkado.
Nakuha ni Mocha ang atensyon ng target niyang merkado kaya maliwanag na tagumpay ang kanyang “pepe-dede video.”
Dapat tandaan na ginawa niya ito na halos walang gastos sa panig ng gobyerno dahil obvious naman na ginawa lang ang video sa loob ng isang bahay.
Kaya naman, sa halip na magmalinis at awayin si Mocha ng ilang moralista at kasamahan niya sa gobyerno, dapat suportahan at purihin siya sa kanyang ginawa.
Maaaring kakaiba ang estilo ni Mocha sa paghahatid niya ng mensahe pero iyon ang estilo niya at iyon din ang dahilan kung bakit may mahigit 5 milyon siyang follower sa social media.
Gusto ng masa ang kanyang estilo at tulad din ni Pang. Digong na hindi conventional at tradisyunal ang estilo ng pamumuno, kaya naman mahal sila at suportado ng mga ordinaryong tao.
Kaya naman sa mga naninira kay Mocha at maging kay Digong, sorry na lang kayo dahil mukhang laos na ang sistema na gusto n’yong pairalin. – OPEN LINE NI BOBBY RICOHERMOSO