Mock elections sa Dis. 29 oks na sa IATF

Mock elections sa Dis. 29 oks na sa IATF

December 10, 2021 @ 4:39 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Inaprubahan na ng pandemic task force ng pamahalaan ang hiling ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng nationwide mock election activities sa Disyembre 29, ayon sa Malakanyang.

Sa isang press briefing nitong Biyernes, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na wala umanong rason para tanggihan ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang naturang gawain.

Dagdag pa ng acting Palace spokesman, makatutulong umano ito upang masiguro ang ligtas na pagsasagawa ng nalalapit na eleksyon sa Mayo 9, 2022.

“In order to ensure the safe and effective conduct of the 2022 National and Local Elections, the IATF poses no objection to the request of the Commission on Elections to conduct nationwide mock election exercises on December 29, 2021,” aniya.

Noong isang buwan, sinabi ni Comelec Deputy Executive Director for Operations Teofisto Elnas Jr. na magsasagawa ng “end-to-end demonstration” ng buong proseso ang Comelec.

“We will test on how accurate, true, and secure the [election] process,” ayon sa kanya.

Dagdag pa ni Elnas, bibilangin, ipadadala, at tatanggapin umano ang mga resulta mula sa iba’t ibang destinasyon.

“This is where we would be able to test our VCMs (vote-counting machines), from the start, opening until voting, consolidation of results, then printing of election returns and also the printing of the voting receipts,” paliwanag niya.

Nitong Miyerkules, natanggap na ng Comelec ang kumpletong software na gagamitin sa Halalan 2022. 

Ibibigay naman ito sa pangangalaga ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) alinsunod sa Poll Automation Law. Ipinaliwanag ni Comelec spokesman James Jimenez na ito ay upang siguruhin ang integridad ng software.

“This deposit of the source code in escrow of BSP is to ensure there is a trusted copy of the final trusted build, and will not be open to tampering or any possible alteration of anyone,” ayon kay Jimenez. RNT/SA