Modus sa sugar import buking; recycled permit ginagamit!

Modus sa sugar import buking; recycled permit ginagamit!

August 19, 2022 @ 10:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Napigilan ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) ang umano’y smuggling ng 7,021 metric tons ng asukal matapos nilang mabukin na “recycled” ang import permit na gagamitin sana rito.

Sinabi ng Office of the Press Secretary ngayong Biyernes, na iniulat ni acting BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang “attempted smuggling” kay Executive Secretary Victor Rodriguez, na siya namang nag-atas sa BOC na gamiting nito ang kanilang visitor powers sa mga bodega ng asukal sa utos ni Pangulong Ferdinand ” Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) officer-in-charge Joeffrey Tacio na ang kargamento ay sakop ng “Special Permit to Discharge (SPD) at Verified Single Administrative Document (SAD)” mula sa BOC, na mayroong verified clearance mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) sa pamamagitan ng isang Rondell Manjarres.

“Initially, the said cargo vessel was allowed to discharge its load at 11am today (Thursday), cleared by SRA and BOC, because it was not covered by the failed attempt to import 300,000 MT of sugar. This means that the recycled permit was from an old allocation,” ani Tacio.

Inatasan naman ni Ruiz ang BOC sa Subic Port ikostudiya ang 19 tripulante ng cargo vessel na napag-alamang may kargang white refined sugar mula Thailand.

Ang kargamento ng asukal ay katumbas ng 140,000 bag at may kabuuang halaga ng  P45,623,007.51, sinabi ng mga awtoridad.

Samantala, nakatanggap din ng mga ulat ang tanggapan ni Rodriguez tungkol sa kahalintulad na modus kung saan ginamit umano ang “recycled import permits” sa pagpuslit ng asukal noong nakaraang linggo.

Tinukoy ng tanggapan ni Rodriguez ang mga indibidwal na umano’y kumokontrol sa Subic Port, kabilang ang isang Buboy at Reggie, na parehong gumagamit ng “Kysse Lish” at “Foxxie” bilang mga consignee. RNT