‘MODUS: SAD STORIES NI MAMANG DRIVER’

‘MODUS: SAD STORIES NI MAMANG DRIVER’

July 23, 2018 @ 6:49 PM 5 years ago


Ilang ulit din akong nahingan ng payo kung paano makaiiwas sa engkwentro o debate o hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng mga driver at pasahero nila, lalo na ng TNVS at mga taxi.

May personal na interaction kasi ang pasahero at driver at hindi maiwasan na mag-usap sila.

Isang kaso ang inilapit sa Lawyers for Commuters Safety and Protection ng isang sikat na public service program ni Julius Babao ng DZMM na may ganitong kwento.

Ang driver ay may sinagot daw na tawag sa cellphone n’ya (violation na ito ng anti-distractred driving act) at may sad stories at emergency raw na ikinuwento sa pasahero.

Sa awa sa driver, dinagdagan ng pasahero ang binayad sa driver. Wala sanang masama sa pagtulong sa kapwa pero napag-alaman ng pasahero na modus pala ‘yun ng driver.

Wala palang emergency at marami nang nabiktima ang driver sa kanyang sad stories. Pagkatapos lamang ng ilang segundo ay isang babae na agad ang nag-text at kinumpirma ang kwento na siya rin ay nabiktima ng parehong taxi driver.

Ang modus ay kunwari may tatawag sa driver na asawa at may emergency raw sa kanila dahil dinala sa ospital ang anak nila. Then magbabago na ang istilo sa pagmamaneho na kung baga ay tuliro na at ikukwento na nito na nasa emergency ang anak.

Sadyang pang award daw ang acting ni mamang driver at madadala naman sa awa ang pasahero at magbibigay ng donation maliban sa fare niya.

Tahasang panloloko ito. ‘Di man siya makakasuhan ng overcharging o pangongontrata dahil kusang loob naman ibinigay ng pasahero ang extra pera, pero ito ay panloloko.

Lalo na at mabait ang pasahero.

Marami na palang nabiktima ng sad stories nya si mamang tsuper kaya pagingatan nyo mga pasahero na huwag pumatol sa ganitong mga modus.

Pero ang tanong – paano kung totoo ang malungkot na kwento? As I said dakila ang tumulong sa kapwa at kung ang tinulungan mo man ay maling tao, ang importante pa rin ay maganda ang hangarin mo sa kapwa.

Kay mamang driver naman – aba’y huwag ka na gumawa ng kasinungalingan at ga­gamitin mo pa ang anak mo. Baka dumating ang araw na totoong may emergency sa pamilya mo at tsaka walang nang tumulong sa iyo. – SIBOL NI LTFRB COMM. ARIEL ENRILE-INTON