‘MONALISA THEY HAVE BLAMED YOU’

‘MONALISA THEY HAVE BLAMED YOU’

December 22, 2022 @ 1:24 PM 1 month ago


HINDI pa man tuluyang nakababalikwas ang bansa mula sa mga krisis, heto at nagbabanta naman ang posibilidad na tumaas ang singil sa kuryente sa susunod na taon.

Puwede naman sana itong naiwasan kung ikinonsidera ng Energy Regulatory Commission ang makatwirang petisyon ng SMC Global Power at Meralco na humihiling ng kapiranggot na 30 sentimong dagdag singil sa kada kilowatt hour sa kanilang power supply agreement sa loob ng anim na buwan.

Batay sa pagtataya, pinakamura na ang iniaalok ng petisyon. Sa kasamaang palad, wala nang mapagpipilian kundi ang magtaas ng singil sa kuryente, na ngayon ay isang malaking posibilidad.

Ngayon pa lang ay masakit na sa bulsa ang ating electric bills kaya kahit mismong si ERC Chairperson at CEO Monalisa Dimalanta, matapos ulanin ng batikos ng publiko, ay aminadong kailangang gawin ang kinakailangang mga hakbangin upang mapanatiling mababa ang singil sa kuryente.

Pero alam din naman niya na hindi ito magiging madali dahil walang alternatibo sa pinag-isang SMCGP-Meralco petition, na ayon sa dalawa sa kanyang ERC commissioners ay tama. Malinaw na ang ERC, sa bilang na 3-2, ay nagkamali. Kung gayon, kahit pa nagawa ng ERC na makuha ang suporta ni President Bongbong Marcos, mali pa rin ito.

* * *

Ngayon, para makabawi, inihayag ni Dimalanta na sususpendihin ng ERC ang pangongolekta ng feed-in tariff allowance sa loob ng tatlong buwan simula ngayong Disyembre. Isa itong pansamantalang solusyon na ipinatupad ng tanggapang ang mga nagpapatupad ay pawang panandalian lang ang kayang arukin ng pag-iisip.

Ang FIT-All ay isang subsidiya na binabayaran ng mga kumokonsumo ng kuryente at napupunta sa piling renewable energy power producers. Isa itong 20-year guaranteed rate sa ilang renewable energy players upang makahimok ng mas maraming mamumuhunan at teknolohiyang makakalikasan para masuplayan ang lumalaking pangangailangan ng bansa sa kuryente.

Ang distribution utilities, ang National Grid Corp. of the Philippines, at ang Retail Electricity Suppliers ang kumokolekta sa mga pondong ito mula sa consumers at mga negosyo sa bansa bago i-remit ang FIT Fund na ipatutupad ng TransCo.

Matagal nang nagpursige ang gobyerno bago nagtagumpay na tuluyang matanggap ng publiko ang FIT Fund. Gayunman, naririyan pa rin ang mga pagkabahala tungkol sa kawalan ng transparency sa FIT system, at ngayon ay mistulang binuksan pang lalo ni Dimalanta ang sistema sa mas matinding panunuri ng mga grupo ng consumers.

Sinabi ni Dimalanta: “Kaisa kami ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga solusyon para maibsan ang epekto ng inflation sa ating mga kababayan, kabilang na ang mga naapektuhan ang kakayahang makabayad sa tumataas na singil sa kuryente dahil sa external pressures.”
* * *

Ang nakakatawa, ang “external pressures” na ito ay ang parehong argumentong tinukoy ng Meralco at SMCGP sa kanilang pinag-isang petisyon. Katwiran ng dalawang kumpanya, hindi na kinakaya ng kanilang PSA ang matinding pagkalugi na dulot ng digmaang inilunsad ng Russia laban sa Ukraine.

Aminado ang dalawang ERC Commissioners. Tanging si Dimalanta lamang ang nagbulag-bulagan sa katotohanang ito, bagamat alam niya kung bakit tumataas ang singil sa kuryente.

May kasalanan siya kung bakit duda ngayon ang publiko kung nasa ERC ba siya upang pagsilbihan ang mamamayan o para kumpletuhin ang three-cornered lock ng kanyang boss na si Sabin Aboitiz sa liderato ng enerhiya kasama ang mga katrabahong sina Energy Secretary Raphael Lotilla at Dennis Edward De la Serna, President at CEO ng PSALM.

Masayang-masaya siguro si Aboitiz habang panay ang salag ni Dimalanta sa paninisi ng publiko.
* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.