MONK, PULIS NAPAHAMAK SA PERWISYONG DROGA

MONK, PULIS NAPAHAMAK SA PERWISYONG DROGA

December 2, 2022 @ 11:37 AM 2 months ago


WALA talagang mapapala ang mamamayan kundi kapahamakan kapag nasangkot sa droga.

Itong mga nagaganap sa bansang Thailand ay magsilbi sanang dagdag na leksyon sa ating mga Pinoy ukol at laban sa droga.

MONK SA TEMPLO UBOS

Isang linggo nang balita ang pagsibak sa apat na monk, kabilang na ang pinuno o abbot ng mga ito.

Sinibak ang abbot at ang tatlong monk makaraan silang mapatunayang gumagamit ng shabu sa urine test.

Nawalan tuloy ang maraming mananampalataya ng paraan para magkaroon ng biyaya na kapalit ng pangangalaga nila sa mga monk na nagdadasal din para sa kanilang kaligtasan sa kapahamakan, pagkakaroon ng kapayapaan at magandang buhay at kinabukasan.

Ipinadala lahat ang mga monk sa rehabilitation center upang gumaling sa drug addiction.

Kung magbabago sila at makitang walang tama ang kanilang utak, maaaring makabalik muli sila sa templo na matatagpuan sa Phetchabun.

Kung paano sila tinunton ng mga pulis upang isalang sa drug test, wala nakaaalam.

Pero tiyak na may nag-marites ukol sa kanila at umaksyon ang mga pulis.

Parang kendi lang kasi ang shabu na anyong pills na ibinebenta kung saan-saan dahil bagsak presyo ito.

Baka may nakakita sa kanila na bumibili at bumabatak.

NINJA COP NANGMASAKER

Nakatitindig-balahibo ang ginawa ng pulis na kilalang adik at sinibak sa tungkulin.

Noong unang linggo ng Oktubre 2022, itong si Panya Khamrap na isang sinibak na pulis ay dumalo sa paglilitis sa kanya sa pagkakaroon ng 100 na pills ng shabu habang naka-duty.

Pagkatapos ng hearing pumunta siya sa child care school na pinapasukan ng kanyang anak at nang hindi nito matagpuan ang bata, dito na siya nagwala at nang masaker ng limang may edad, kasama ang isang titser, at 24 na natutulog na bata.

Pinagbabaril nito ang mga may edad habang pinatay niya sa saksak sa ulo ang lahat ng mga bata.

Makaraan nito, mabilis siyang sumakay sa kanyang sasakyan at sinagasaan at pinagbabaril niya lahat ang dinaanan niya at dumiretso sa kanilang bahay.

Doon na niya pinagbabaril hanggang mamatay ang sarili niyang misis at ang anak niya saka niya sinunog ang sarili niyang sasakyan.

Makaraan nito, nag-suicide na siya sa pagbaril sa kanyang sariling ulo at umabot sa 37 silang patay.

Anak ng tokwa, ganyan ang adik.

At talaga namang nakatatakot dahil isa itong pulis na may dalang armas na ginamit sa pagpatay.

SA PINAS?

Marami ang naging adik at pusher din pulis, bukod sa pagiging protektor ng mga druglord at narco-politician.

Ito ang panahong bago dumating sa Malakanyang si Pangulong Digong na nagkampanya nang todo laban sa droga at lahat ng nagpapakalat ng droga.

Upang hindi sila mahagip ng kampanya ni Pang. Digong, inuna nilang itumba ang mga alaga nilang mga pusher na pinagbebenta ng mga kilo-kilong shabu at iba pang mga iligal na droga.

Kung meron mang sobra sa 6,000 na namatay sa lehitimong giyera sa droga, malaki ang paniniwala na silang mga iskalawag at sangkot sa drogang mga pulis ang may kagagawan.