Monkeypox case sa PAL flight, ‘di Pinoy – DOH

Monkeypox case sa PAL flight, ‘di Pinoy – DOH

September 9, 2022 @ 6:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi Filipino national ang isang kaso ng monkeypox na sakay ng Philippine Airlines flight patungong Hong Kong.

Sa press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ,na ang ibinigay lang na datos ay foreign national.

“Ang isa lang na puwede kong i-disclose sa inyo because I cannot give you kung ano yung nabasa lang natin sa dyaryo. Kailangan ma-confirm namin through an official report to us by the Ministry of Hong Kong. One thing I can assure our Filipinos [is] that hindi siya Pinoy, hindi siya Filipino,” sabi ni Vergeire.

Ito aniya ay nagkaroon ng biyahe sa ibang bansa tulad ng Canada, United States bago ito nagtungo sa Pilipinas at napunta ng Hong Kong.

Wala naman aniyang sintomas ang pasyente matapos nakarating sa Hong Kong.

“We were able to look at the itinerary at tinignan natin yung manifest ng eroplano at nakapagidentify tayo ng mga close contacts. Pagsinabi nating close contacts dito this is because the proximity of that individual with the passengers not specifically nadikit sila o nagkaroon talaga ng ebidensya na sila po ay nagkaroon ng interaksyon sa individual na ito. We are closely monitoring them but up until now asymptomatic po lahat ng mga tao,” dagdag pa ng opisyal.

Nauna nang inihayag ni PAL spokesperson Cielo Villaluna na ang nasabing pasahero ay sakay ng PR300 noong Setyembre 5.

Pinayuhan din nito ang mga pasahero sa nasabing flight na imonitor ang kanilang sarili upang mabigyan ng atensyon medikal sakaling magkaroon ng sintomas.

Inihayag ng mga opisyal ng kalusugan ng Hong Kong na ang unang kaso ng monkeypox na isang 30 taong gulang na lalaki na naglakbay sa lungsod at nagpakita ng mga sintomas sa hotel quarantine.

Nagpakita siya ng mga sintomas tulad ng mga pantal sa balat, namamagang mga lymph node at namamagang lalamunan ng linggo na humahantong sa kanyang pag-ospital, ayon sa mga health official

Samantala, sa hiwalay na datos na ibinahagi ni Vergeire, ang ikatlong kaso ng monkeypox ay nanatili pa rin sa isolation dahil sa lesions sa kabila nang 21 araw na isolation nito hanggang Agosto 31.

Lahat ng 17 niyang close contacts at asymptomatic.

Habang ang ika-apat na kaso na isa ring Filipino national ay nanatili pa rin sa isolation at hinihintay na matanggal ang kanyang mga langib.

Sa 20 close contacts nito, 18 ang nakatapos na ng kanilang quarantine habang ang isa ay nakatapos na ng kanyang self monitoring period at ang isa pa na nagbabantay sa pasyente ay sa isolation facility ay magsisimula pa lamang ng kanyang quarantine sa sandaling nakalabas sa isolation ang pasyente

Ayon sa DOH, lahat ng close contacts ay asymptomatic. Jocelyn Tabangcura-Domenden