Monkeypox cases sa Pinas nananatili sa 4 – DOH

Monkeypox cases sa Pinas nananatili sa 4 – DOH

September 2, 2022 @ 6:48 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakalabas na ng isolation ang pangalawang kaso ng monkeypox sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Kasabay nito, inihayag ni Health OIC Usec Maria Rosario Vergeire na nanatili pa rin sa apat ang kaso ng naturang sakit sa Pilipinas dahil wala pang bagong detection.

Sinabi ni Vergeire na may mga sample na isinumite para sa sequencing pero lahat ay negatibo ang resulta.

Ang ikalawang kaso ng monkeypox ay isang 34 taong gulang na Filipino national na may history ng paglalakbay sa ibang bansa na may kumpirmadong kaso ng monkeypox at ito ay nakalabas na ng isolation noong Agosto 31.

Lahat ng 18 na close contacts nito ay asymptomatic sa buong panahon ng kanilang quarantine.

Ang pangatlong kaso na 29 taong gulang na Filipino national na may travel history rin sa mga bansang may kumpirmadong kaso ay nasa isolation pa dahil sa mga sugar sa kabila ng ika-21 araw ng isolation ng pasyente noong Agosto 31.

“Yung ating case number 3 still ongoing yung kanyang home isolation dahil meron pa rin siyang konti na lesions sa ibang parte ng kanyang katawan so until mag-heal itong lesions na ito at saka natin siya puwedeng madischarge from isolation with the assessment of course and clearance of their doctors,” sabi ni Vergeire.

Lahat ng 17 close contact ng pasyente ay asymptomatic, habang 13 sa kanila ang nagsasagawa ng self-monitoring, tatlo ang nakatapos ng quarantine, at ang isa ay sumasailalim pa rin sa quarantine.

Sinabi ni Vergeire na ang ika-apat na kaso ng monkeypox, isang 25-taong-gulang na Filipino national na walang travel history sa anumang bansa na may kumpirmadong kaso ng monkeypox, ay nasa isolation pa rin habang ang mga sugat ng pasyente ay nagsisimula nang matuyo. Jocelyn Tabangcura-Domenden