Monkeypox idineklarang global health emergency; Bong Go: Healthcare system paigtingin pa

Monkeypox idineklarang global health emergency; Bong Go: Healthcare system paigtingin pa

July 27, 2022 @ 4:12 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Kasunod ng deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na isa nang “public health emergency of international concern” (PHEIC) ang monkeypox, muling binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangangailangang paigtingin ang surveillance system ng bansa at higit pang palakasin ang healthcare system.

Sa ambush interview sa unang regular na sesyon ng 19th Congress noong Lunes, iginiit ni Go, pinuno ng Senate committee on health and demography na nadala na ang bansa sa pandemya ng COVID-19 kaya dapat na tayong matuto sa pagpasok ng mga panibagong sakit sa bansa.

“Itong monkeypox na ito, higpitan pa ang surveillance at ‘wag na nating hayaang mangyari muli ang nangyari sa atin na kumalat ang sakit.  So eye opener po yung nangyari sa atin the more we should invest sa ating healthcare system,” idiniin ng senador.

Sinabi ng Department of Health na wala pa namang kumpirmadong kaso ng monkeypox sa Pilipinas sa ngayon.

Pero tiniyak nito na nakikipag-ugnayan na ito sa iba pang kinauukulang ahensya upang maghanda laban sa virus mula nang ang pagtaas ng mga kaso ay naiulat sa buong mundo.

Nagbigay ang WHO ng mga pansamantalang rekomendasyon (TRs) sa mga bansang maaaring maapektuhan ng virus dahil may mga kamakailang ulat ng paglaganap ng monkeypox sa mga bansa sa Europa, United States of America, Australia at Canada.

Ang monkeypox virus na bibihira ay mula sa Orthopoxvirus genus sa pamilyang Poxviridae.  Ang mga sintomas ng monkeypox ay natuklasang kapareho ng mga sintomas ng bulutong, ayon sa mga eksperto.

Gayunpaman, ang monkeypox ay hindi gaanong nakahahawa at mas malala kaysa sa bulutong.

Ang lagnat, mga pantal at namamagang mga lymph node ay kabilang sa mga karaniwang sintomas.

Muling iginiit ni Go na patuloy niyang susuportahan ang mga hakbang na pagpapabuti sa sistema ng pangangalaga sa kalusugan ng bansa.

“Ako naman po bilang Senate committee chair on health, nakatutok po ako na palakasin pa at suportado ko po ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. lalo na po dito sa ating healthcare system,” ani Go.

“The more we should invest sa ating healthcare system at maging handa tayo (at) maging proactive tayo.  ‘Wag nating hayaang magkandarapa na naman tayo, hindi natin alam ang gagawin natin.  So importante maging handa kung meron pang darating na pandemic,” paliwanag ng senador.

“Suportado ko rin ang panawagan niyang huwag na mag-lockdown.  Siguraduhin lang natin na kaya ito ng ating healthcare system dahil para sa akin, una at pinakaimportante sa lahat ay ang buhay ng bawat Pilipino,” sabi ni Go.

Kamakailan ay muling umapela ang mambabatas para sa pagsasabatas ng kanyang kambal na panukalang palakasin pa ang kakayahan ng bansa na tugunan ang mga banta ng mga nakahahawang sakit.

Kabilang sa mga hakbang na ito ay ang Senate Bill No. 2158 na naglalayong itatag ang Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC).

Naghain din si Go ng SBN 2155 na magtatatag ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP).  Ang pasilidad ang magiging pangunahing laboratoryo para sa pagsasaliksik sa virology at mga pagsisiyasat sa laboratoryo.

Sa ilalim ng nasabing batas, palalakasin ng VIP ang pagbuo at pag-access sa mga bagong bakuna laban sa mga sakit tulad ng COVID-19 upang matiyak na ang bansa ay may sapat na suplay ng mga dosis ng emergency na bakuna.

Si Pangulong Marcos Jr., sa kanyang unang State of the Nation Address, ay nanumpa na magtatag ng sariling CDC at virology institute sa Pilipinas.

“Masaya po akong marami siyang (Marcos) nabanggit na mga priority niya na bahagi rin po ng na-file ko sa Senado – itong Virology Institute at Center for Disease (Control), and to strengthen our healthcare system.  Nakatutok po ang gobyerno to improve our healthcare system and mas maging lagi tayong handa,” ani Go. RNT