MONOPOLYO SA SEKTOR NG ENERHIYA

MONOPOLYO SA SEKTOR NG ENERHIYA

November 4, 2022 @ 1:35 AM 3 weeks ago


HINDI lang iilang beses nagpahayag ng pangamba ang grupo ng consumers sa anino nang nagbabantang monopolyo ngayong mistulang nakopo na ang regulasyon sa tatlong pangunahing ahensiya sa sektor ng enerhiya.

Para sa consumers, wala na iyong tinatawag na “check and balance” sa industriya ng kuryente sa pagkakatalaga kay Raphael Lotilla bilang kalihim ng Department of Energy, kay Monalisa Dimalanta bilang chairperson ng Energy Regulatory Commission at kay Dennis dela Serna bilang presidente at CEO ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation, kumpanyang pagmamay-ari at kontrolado rin ng gobyerno.

Maliwanag na “grand slam” ‘yan sa tatlong pinakamahahalagang tungkulin ng gobyerno sa negosyo ng kuryente.
* * *
Mas tama sigurong sabihin ang “complete lock”.

Si Lotilla na ngayon ang bahala sa pagbubuo ng mga polisiya, si Dimalanta sa regulation, at si Dela Serna ang sisigurong natutupad ang mga polisiya sa paglikha at bentahan ng kuryente.

Ano’ng problema dun? Silang tatlo ay pawang naging bahagi ng Aboitiz Group – ang isa sa mga major players sa industriya ng kuryente.
* * *

Si Lotilla ay dating independent director ng Aboitiz Power Corp., at mula rin sa parehong kumpanya si Dimalanta bilang Compliance Officer, na naging tauhan ni Dela Serna, ang bise presidente ng Aboitiz Power Corp.

Ang kanilang boss, si Aboitiz Group president and CEO Sabin Aboitiz, ay itinalaga rin ni Pangulong Bongbong Marcos para pangunahan ang kanyang Private Sector Advisory Council.

Maliwanag na may conflict of interest dito. Imagination lang ba na ang nagkokontrol sa tatlong ahensiyang ito ng gobyerno ay maaaring makaimpluwensiya sa pagpapatupad ng mga polisiya at regulasyon, at makakapagdesisyon din sa ‘Terms of Reference’ na itinatakda sa bawat ‘competitive selection process’?

Nangangahulugang ang kawalan ng kumpetisyon ay magiging kapaki-pakinabang sa sponsor, pero magreresulta sa mas mataas na singil sa kuryente para sa consumers.
* * *

Ekonomiya ang nakataya rito kung hindi ikokonsidera ni President Bongbong Marcos ang anomalya sa sitwasyong ito sa sektor ng enerhiya. O nakatuon na ba ngayon ang gobyerno sa pagbibigay ng pabor sa mga Aboitiz?

Alam naman ni BBM na kapag walang kumpetisyon, mapipilitan ang ibang negosyante na magsara, na labis na makakaapekto sa ekonomiya at trabaho, lalo na ngayong ramdam ng bansa ang pandaigdigang krisis na dulot ng maraming problema.
* * *

Inaasahang mararamdaman din ito ng iba pang mga industriya, kabilang ang mga pangunahing nakapag-aambag sa ekonomiya tulad ng semento, bakal, gasolina, at petrolyo, na pawang kinakailangan para sa tuluy-tuloy na pag-asenso.
Inaasahan ding lulubha pa ang kahirapan, kung hindi mareresolba ang mga problemang ito.

Ang lahat ay dahil mistulang bihag na ng iisang grupo ang sektor ng enerhiya. At hindi ito nagbibigay ng magandang pangitain sa liderato ni Marcos 2.0.
* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.