Monsod sa Maharlika fund: Gatasan lang ng kurakot

Monsod sa Maharlika fund: Gatasan lang ng kurakot

December 9, 2022 @ 3:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang ekonomista at propesor na si Solita “Winnie” Monsod kung saan maaari lamang umanong magamit na gatasan o milking cow ang panukalang sovereign wealth fund.

“It’s going to be a fantastic milking cow,” tugon ni Monsod sa panayam ng ANC nitong Biyernes, Disyembre 9.

Sa oras na maaprubahan, ang Maharlika Investment Fund ay patatakbuhin ng isang korporasyon na maiingatan ng mga batas.

Kabilang dito ang Salary Standardization Law, Government Procurement Reform Act, Philippine Competition Act at GOCC Governance Act.

“Jesus, they got it all and they are going to be paid on international standards. They are exempt from these laws because they are going to be paid fantastically. Don’t you think that’s the milking cow?” ani Monsod.

Kinontra din niya ang panukalang MIF dahil kahit kailan ay hindi naman naging mabuting “manager” ang pamahalaan, halimbawa na lamang ay ang kontrobersiya sa multi-bilyong piso na coco levy fund.

“Obviously, this sovereign wealth fund is not well thought of,” dagdag pa ni Monsod.

Kamakailan ay ipinanawagan ng grupo ng mga ekonomista at ilang opisyal ng pamahalaan sa mga nakaraang administrasyon na ibasura na ang panukala.

Ipinagtanggol naman ito ng mga may-akda at sinabing layon nitong makabuo ng kapital sa big-ticket development projects. RNT/JGC