Monthly pension ng mga empleyado ng DFA pinatataasan

Monthly pension ng mga empleyado ng DFA pinatataasan

January 2, 2023 @ 5:33 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihain ang dalawang panukala sa Senado na naglalayong taasan ang monthly pension at disability benefits sa mga retired employees ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa ilalim ng Senate Bill No. 829 ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at ng Senate Bill No. 1510 ni Senador Risa Hontiveros, sakop ng pagpapataas sa monthly pension at benepisyo ang mga empleyado ng DFA na nakapagtrabaho ng hindi bababa sa 15 taon at kwalipikadong makatanggap ng buwanang pensyon mula sa Government Service Insurance System (GSIS).

Ang mga opisyal at empleyado naman ng DFA na nakapagretiro na bago pa maipapatupad ang panukala o maging ang mga hindi pasok sa kwalipikasyon ay sakop ng applicable benefits sa ilalim ng GSIS Act.

“Our Philippine diplomats have always been at the frontlines, to the extent that many have even risked their lives in the countries where they have been assigned,” ani Legarda sa kanyang explanatory note.

Sang-ayon naman dito si Hontiveros at sinabing ang mga empleyado ng DFA ay humaharap sa kabi-kabilang suliranin dulot ng pamamalagi sa ibang bansa katulad ng kakaibang kultura kasabay ng pagpapanatili ng pag-abot ng gobyerno sa mga Filipino sa mga bansang kinaroroonan nila.

Sa ilalim ng dalawang nabanggit na panukala, ang monthly pension benefits ng lahat ng retirees ng DFA, na nasa ilalim ng Republic Act No. 7157 o ang
Philippine Foreign Service Act of 1991, ay awtomatikong magkakaroon ng adjustment kung magkakaroon ng taas-sahod batay sa salary grade ng kaparehong ranggo nito nang panahon na magretiro.

“Cognizant of the complex responsibilities faced by our foreign service personnel, it is but fitting to provide them with decent benefits, most especially upon retirement, thus compensating them for their patriotism and the hard work they have rendered throughout their careers,” sinabi pa ni Legarda.

Sa huling impormasyon ayon sa mga isinagawang pagdinig para sa 2023 budget, mayroong 3,300 authorized permanent positions ang DFA. RNT/JGC