MONUMENTO NI KIETH ABSALON SA MASBATE

MONUMENTO NI KIETH ABSALON SA MASBATE

June 16, 2022 @ 5:15 PM 10 months ago


NITONG nagdaang linggo,  pinasinayaan na ang monumento sa Masbate Sports Complex para sa football star na si Kieth Absalon, isang 21 anyos na binatang walang ibang hangarin kundi mapalawig pa ang kakayahan sa larangan ng pala­ka­san.

Ngunit nasayang lamang ang buhay nang kitilin ng mga halang ang kaluluwang komunistang-teroristang  New People’s Army (NPA), ang armadong unit ng Communist Party of the Philippines – National Democratic Front (CPP-NDF).

Isang taon na ang nakalipas mula nang pasabugan ng mga walang hiyang NPA ang biktima ng itinanim nitong anti-personnel mine sa dinaanan nina Kieth na sa­kay ng kanila bisikleta kasama ang kanyang mga kaa­nak na ikinamatay din ng kanyang pinsan na si Nolven.

Matapos pasabugan ay pinuntahan pa ng mga NPA ang mga katawan ng mga biktima upang siguruhing patay na ang mga ito. Nang nakitang may buhay pa habang nakabulagta at taas kamay na nagmamakaawa ay pinagbabaril pa sila sa tiyak na kamatayan.

Ito ba ang ating mga dapat kausapin pang muli para humarap sa usaping kapayapaan? Mga taong mali ang paniniwala at nakapipinsala. Sila ba ang dapat pa nating unawain?

Palagay ko’y hindi na. Ang iniwan na lang nilang pasakit at kalungkutan sa mga naulila ng kanilang biktima, ay ‘di na malilimutan. Hindi na hinaharap ang mga taong ganito, upang pag-usa­pan pa ang kapayapaan.

Kitang kita sa mga pang­yayari ‘di lamang sa sinapit nila Kieth at Nolven, kundi sa marami pang buhay na nawala, ang dala ng lagpas limangpung taon nang panggugulo ng CPP-NPA-NDF.

Ang susunod na admi­nistrasyon na nangakong itu­tuloy ang mga nasimulan ng Administrasyong Duterte na makipaglaban at makipagsabayan sa mga komunistang-terorista ay dapat nang tupa­rin upang matiyak na ang paghahari-harian ng CPP-NPA-NDF ay tunay na magwakas na.

Wala nang ibang paraan kundi ang lipulin ang mga hunghang na ito na pahirap lamang sa bansa.

Assalamu Alaikum Wa­rahmatullahi Wabarakatuh!