MOP, umaapela ng panalangin sa tagumpay ng 125th CBCP plenary assembly

MOP, umaapela ng panalangin sa tagumpay ng 125th CBCP plenary assembly

January 27, 2023 @ 7:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umapela ng panalangin ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa nakatakdang 125th plenary assembly ng kalipunan ng mga Obispo sa pagtatapos ng buwan ng Enero.

Apela ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, nawa ay sama-samang ipanalangin ng mga layko, kasama ang mga consecrated person na mga relihiyoso, relihiyosa at mga pari na maging makabuluhan at matagumpay ang plenary assembly na nakatakda sa ika-29 hanggang ika-31 ng Enero, 2023.

Ayon sa Obispo, mahalaga ang pananalangin ng bawat isa upang gabayan ng Espiritu Santo ang mga Obispo at makikibahagi sa pagtitipon na magkaroon ng kaliwanagan ng puso at isipan sa pagtalakay sa iba’t ibang usaping dapat tutukan ng Simbahang Katolika sa bansa.

Inihayag ng Obispo na kabilang sa matatalakay sa pagtitipon ng kalipunan ng mga Obispo ang mahahalagahang usapin tulad ng patuloy na pagpapatatag ng ugnayan ng Simbahan at pamayanan na bahagi ng patuloy na pagsusulong ng Synodality na panawagan ng Santo Papa Francisco.

Inaasahan din ang talakayan sa higit na pagpapatatag ng iba’t ibang mga tanggapan ng CBCP sa pamamagitan ng episcopal commission, offices at committees na nangangasiwa sa iba’t ibang adbokasiya ng Simbahan sa lipunan.

Nakatakda ang 125th plenary assembly ng CBCP sa Pope Pius XII Catholic Center kung saan sa pangalawang pagkakataon mula ng lumaganap ang COVOD-19 pandemic sa bansa ay muling magtitipon ng personal ang kalipunan ng mga Obispo ng Pilipinas.

Sa kasalukuyan binubuo ang CBCP ng 88-active bishops, dalawang diocesan priest-administrators, at 38 honorary members na pawang mga retiradong Obispo mula sa iba’t ibang diyosesis. Jocelyn Tabangcura-Domenden