Moratorium sa nursing courses, inalis na ng CHED

Moratorium sa nursing courses, inalis na ng CHED

July 13, 2022 @ 2:21 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inalis na ng Commission on Higher Education (CHED) ang moratorium sa pagbubukas ng bagong nursing undergraduate programs ng lahat ng mga Public and Private Institutions.

Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera, ang desisyon ay kasunod ng isinagawa nilang review sa moratorium sa harap ng mga panawagang alisin na ito dahil sa kakulangan ng mga healthcare workers nitong COVID-19 pandemic.

“Yesterday, the commission en banc, after a very thorough review and study of the moratorium on nursing, decided to lift the moratorium on nursing based on an exhaustive discussion,” saad ni De Vera sa isang press conference.

Sa datos mula sa Department of Health na iprinisenta ni De Vera, makikita na kailangan ng bansa ng 201,265 nurses base sa requirement ng United Nations’ Sustainable Development Goals (SDGs).

Base kasi sa requirement ng SDG, dapat na mayroong 27.4 nurses sa kada 10,000 populasyon.

Sa kasakuluyan, mayroon lamang 90,205 nurses ang Pilipinas gayong ang kailangan ng bansa ay 300,470.

“If you look at the total nurses in the Philippines and the current nurse to population ratio, you will notice that there is really a big gap in the supply side,” paliwanag ni De Vera said.

“The demand side requires more nurses than what we have,” dagdag niya.

Nabatid na 2011 nang ipagbawal muna ng CHED sa mga State Universities and Colleges at mga pribadong eskwelahan ang pag-aalok ng nursing courses dahil sa dami ng graduate na walang trabaho.

Pero noong 2020, dahil sa pandemya ay kinapos naman ng nurse ang Pilipinas bukod pa ang mga Filipino nurse na ipinadadala sa ibang bansa.

Sa ngayon, anim na rehiyon sa bansa ang nangangailangan ngayon ng nursing course tulad ng MIMAROPA, Eastern Visayas, CARAGA, BARMM, CAR at SOCCSKSARGEN.

Malaki rin ang pangangailangan ng mga nurse sa CALABARZON, Western Visayas, Bicol Region, Davao Region, Cagayan Valley at Central Luzon.

Samantala, dahil inalis na ang moratorium, simula bukas ay pwede na ulit tumanggap ng mga enrollees ang mga eskwelahan. RNT/ JCM