Mosque gagamiting COVID-19 vax sites —Galvez

Mosque gagamiting COVID-19 vax sites —Galvez

April 6, 2022 @ 11:29 AM 3 months ago


MINDANAO – Gagamitin ng Bangsamoro government ang mga mosque bilang COVID-19 vaccination sites sa gitna ng mababang rate ng immunization sa rehiyon.

“Tumawag po ako kay Chief Minister kanina at ang sinasabi nga po niya…na yung lahat ng mga masjid at mosque ay gagawin nilang vaccination sites,” ang iniulat ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Talk to the People ng Chief Executive, Martes ng gabi.

“So during Friday, during makapagsamba ang ating mga kababayan na Muslim ay gagawin po na parang vaccination sites itong mga mosque at masjid na pupuntahan nila,” dagdag na pahayag ni Galvez.

Nauna rito, kapuwa nagbabala ang World Health Organization (WHO) at ang Department of Health (DOH) sa posibilidad na “mini-surge” ng COVID-19 cases sa rehiyon bunsod ng selebrasyon ng Ramadan.

Iniulat ng National Vaccination Operations Center (NVOC) na may 957,766 lamang o 25% ng populasyon sa BARMM ang naka-kompleto na ng kanilang coronavirus shots.

Ayon kay Galvez, ang mababang rate ay maaaring dahil sa “demand issues at vaccine preference,” may ilang residente ang naniniwala na ang ilang COVID-19 brands ay hindi halal, o ‘religiously acceptable.’

Tinukoy ang impormasyon mula kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, inihayag ni Galvez na ‘fake news” at maling impormasyon ang iba pang dahilan ng vaccine hesitancy.

Upang malutas ito, sinabi ni Galvez na ang gobyerno ay naglunsad ng workshop para sa mga health workers sa BARMM sa pakikipag-ugnayan sa DOH, World Bank at UNICEF.

“Strategic focus on the inoculation in the region will include the need for a whole of region-whole of nation approach, deployment of the Johnson & Johnson vaccine, and the use of Ramadan discounts and incentives,” ayon sa ulat.

Samantala, may ilang lugar ang magsasagawa rin ng special vaccination days sa iba’t ibang petsa ngayong buwan ng Mayo.

Ang mga ito ay Basilan (May 11 to 13 and May 16 hanggang 18); Lanao del Sur (May 16 hanggang 20); Maguindanao (May 17 hanggang 19); Sulu (May 11 hanggang 12); Tawi-Tawi (May 18 hanggang 20); Marawi City (May 5 hanggang 7) at Lamitan City (May 11 hanggang 13). Kris Jose