Most wanted na pumatay sa Lalamove driver arestado

Most wanted na pumatay sa Lalamove driver arestado

November 17, 2022 @ 4:58 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Matapos ang ilang buwan na pagtatago sa mga alagad ng batas, naaresto ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila City Hall ang isa sa nakahanay na Most Wanted Person (MWP) sa Maynila makaraang matunton ang pinagtaguan niyang lugar sa Sta Maria Bulacan ng Martes ng gabi, Nobyembre 15.

Kinilala ni SMaRT Chief P/Maj. Edward Samonte ang naarestong si Daniel Borromeo, 31, residente ng 1317 Franco St., Tondo, Manila na sangkot sa kasong murder.

Nabatid kay Maj. Samonte, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Borromeo kaya’t agad nitong pinakilos ang kanyang mga tauhan na sina P/Maj. Emmark Dave Apostol at Lt. Edgar Julian kasama ang Warrant and Intelligence personnel ng Raxabago Police Station na pinamumunuan ni P/Col. Rosalino Ibay, Jr. at nagtungo sa Sta Maria, Bulacan noong Martes ng pasado alas-5 na ng hapon upang dakpin si Borromeo na akusado sa pagpatay sa isang Lalamove driver noong Hulyo 15, 2022.

Bitbit ng raiding team ang warrant of arrest laban kay Borromeo na inilabas nito lamang Oktubre 10, 2022 ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Josefina Eco Siscar ng Branch 55 sa kasong murder na isang non-bailable offense.

Pasado alas-7 ng gabi nang matanggap ni Maj. Samonte ang tawag sa kanya ng mga tauhan upang ipabatid na naisilbi ng maayos sa akusado ang warrant of arrest matapos matukoy ang kanyang kinaroroonan sa 0670 Uban, Brgy. Catmon sa Sta Maria, Bulacan.

Nagpaabot naman ng pagbati sa mga tauhan ng SMaRT si Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre Dizon sa pagkakadakip sa isa sa itinuturing na most wanted person sa lungsod. JAY Reyes