Most wanted ng ‘Zaragoza Drug Group’ nabitag sa Navotas

Most wanted ng ‘Zaragoza Drug Group’ nabitag sa Navotas

September 28, 2022 @ 2:54 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bumagsak na sa likod ng rehas na bakal ang isang miyembro ng “Zaragoza Drug Group” na wanted sa kasong pagpatay matapos mabitag ng pulisya sa One Time Big Time (OTBT) operation sa Navotas City, Martes ng gabi, Setyembre 27.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong akusado bilang si Jomar Pilapil alyas “Mac-Mac”, 30 ng No. 94 Quintos St. Brgy. San Jose, Navotas City.

Aniya, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang akusado na sakay sa isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng C4 Road, Brgy. BBS kaya kaagad nagsagawa ng joint manhunt operation in relation to SAFE NCRPO ang mga operatiba ng Intelligence Section ng Navotas police sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, kasama ang SRU, Warrant Section at Counterintelligence Division Intelligence Group (RID-IG) na nagresulta sa pagkakaaresto kay Pilapil dakong alas-11 ng gabi.

Ayon kay PLT Rufo, si Pilapil ay inaresto nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Pedro T. Dabu Jr, ng Regional Trial Court (RTC) Branch 286, Navotas City para sa kasong Murder.

Ani Col. Ollaging, si Pilapil ang itinuturong suspek sa pagpatay kay Richard Sabanal, 41, fitter welder ng 98 Quintos St., Brgy. San Jose noong Hulyo 15, 2022 sa harap ng San Jose Church sa kahabaan ng M. Naval St., Brgy. San Jose dakong alas-4:45 ng hapon.

Sa pahayag sa pulisya ng isang vendor na nakasaksi sa insidente, nagtitinda siya ng lumpia sa naturang lugar nang makita niya ang suspek na naglalakad sa likod ng biktima na armado ng baril saka malapitang binaril sa likod na bahagi ng ulo si Sabanal bago mabilis na tumakas sakay ng isang Japanese bicycle. Boysan Buenaventura