Most wanted sa Maynila, dakip sa Vizcaya

Most wanted sa Maynila, dakip sa Vizcaya

August 29, 2021 @ 12:05 PM 10 months ago


NUEVA VIZCAYA – Arestado ang Top 1 most wanted person sa station level sa kasong rape sa Nueva Vizcaya.

Alinsunod sa direktiba ni MPD Director Brig.General Leo Francisco, dinayo pa sa naturang probinsya ang suspek para arestuhin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD).

Ito ay matapos ipag-utos at atasan ni  Manila Mayor Isko Moreno Domagoso si Gen. Francisco na tugisin ang lahat ng wanted sa Maynila na nagtatago sa batas.

Kinilala ang akusado na si Jerome Saagundo, 27, binata, pedicab driver at residente ng  757 Ricafort St. Brgy. 56, Tondo, Maynila.

Ayon sa ibinigay na impormasyon ni MPD-PIO Chief Capt. Philipp Ines, isinilbi sa akusado ang kanyang warrant of arrest ng Warrant Section/ Intelligence Section ng MPD Moriones Police Station (PS- 2)  sa loob ng isang kainan sa  Maharlika Hi-Way Barangay Poblacion Bayumbong Nueva Vizcaya.

Agad kumilos ang mga operatiba sa ilalim ng pamumuno ni PLtCol Magnon Lanunos Gallora Jr., matapos makatanggap ng impormasyon sa kinaroroonan ng akusado .

Bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Jose Lorenzo Relova Dela Rosa ng Manila RTC Branch 4, hindi na nag-atubili pang arestuhin si Saagundo.

Sa kautusan ng korte, ang akusado ay pinapayagang makapaglagak ng P20,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

 Kasalukuyan naman itong nakakulong sa detention cell ng nasabing police station habang hinihintay ang pagbalik ng kanyang warrant of arrest at paglabas ng kanyang Commitment Order. Jocelyn Tabangcura-Domenden