Motion for reconsideration ni Rosal, binasura ng Comelec

Motion for reconsideration ni Rosal, binasura ng Comelec

November 20, 2022 @ 10:25 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Commission on Elections (Comelec) en banc nitong Biyernes, Nobyembre 18 ang diskwalipikasyon ni Albay Governor Noel Rosal.

Sa isang resolusyon na ipinahayag sa nasabing petsa, ibinasura ng Comelec en banc ang motion for reconsideration ni Rosal.

Nakasaad sa resolusyon na walang nakitang matibay na rason ang en banc para baligtarin ang mga natuklasan ng Comelec First Division dahil ang motion for reconsideration ni Rosal ay hindi natukoy na ang resolusyon ng Comelec ay batay sa hindi sapat na ebidensya at ito ay labag sa batas.

Hindi nakita ng Comelec’s First Division na may kinalaman si Rosal sa pagbili ng boto, ngunit napag-alamang lumabag siya sa probisyon ng Omnibus Election Code na nagbabawal sa pagpapalabas, pag-disbursement, o paggastos ng pampublikong pondo sa panahon ng 45 araw na election ban.

Sinabi ng Comelec na ang Gobernador ay naakusahan ng pagbibigay ng cash assistance sa mga tricycle drivers at senior citizens sa Legaspi City sa panahon ng 45 araw na election ban na walang paunang abiso sa poll body para sa exemption mula sa pagbabawal sa paggastos.

Ang desisyon ng Comelec ay makaraang maghain ng petisyon noong Abril ang natalong kandidato sa konseho ng Legazpi City na si Joseph Armogila.

Sa kabila nito, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiango na maaari pa ring iapela ang disqualification decision sa Korte Suprema sa ilalim ng Rule 64 ng Rules of Procedure Petition for Certiorari. Jocelyn Tabangcura-Domenden