Motor sinalpok, angkas na ina todas

Motor sinalpok, angkas na ina todas

November 25, 2022 @ 7:43 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Todas ang isang ginang nang salpukin ang sinasakyan nilang motorsiklo na minamaneho ng kanyang anak ng isang Isuzu na sasakyan na nakabangga rin ng tumatawid na batang estudyante sa harap ng isang paaralan sa Brgy. Culiat, kaninang umaga, Nobyembre 25 sa lungsod Quezon.

Kinilala ang namatay na si Rowena Luces Santos, 47 anyos, habang sugatan naman ang anak niyang rider na si Wharren Luces Santos, 24, kapwa residente ng No. 734 Brgy Old Balara Tandang Sora Q.C.

Patuloy naman na inoobserbahan ang hindi pa kilalang batang estudyante na tinatayang nasa edad 6 hanggang 10, sa New Era General Hospital, na nagtamo ng mga pasa at sugat sa katawan.

Agad namang naaresto ang suspek na si Lucky Leo Torio Manaois, 40, driver, ng Isuzu Can & Chassis na may plakang AAM-5848, at nakatira sa 76 MH Del Pilar St., Brgy San Antonio, Q.C.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6, bandang 11:40 ng umaga (November 25), nang maganap ang aksidente sa Tandang Sora Avenue, sa harapan ng ASIS School Brgy. Culiat, ng nasabing siyudad.

Sa imbestigasyon ni PSMS Michael Payumo ng Traffic Sector 6, kapwa binabaybay nina Santos na sakay ng Yamaha Mio I 125 Motorcycle (MV file No. 1301-1492595) at nang Isuzu Can & Chassis sa kahabaan ng Tandang Sora Avenue galing Congressional Ave., patungong Commonwealth Avenue.

Pagsapit sa nabanggit na lugar, ay nasalpok ng Isuzu ang tumatawid na biktima sa Tandang Sora Avenue dahilan upang kabigin ng driver nito ang manibela pero nabangga naman nito ang motorsiklo na nasa kaliwa niya, dahilan upang kapwa tumilapon ang rider at angkas niyang ina.

Agad na isinugod ang mga biktima sa New Era General Hospital subalit binawian ng buhay ang nanay ng rider, bandang 12:28 ng tanghali, dahil sa tinamong grabeng pinsala sa ulo, ayon kay Dr. Krysre Mae Latimer.

Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property with Physical Injuries and Homicide laban sa suspek. Jan Sinocruz