Motor vs truck, lamang-loob ng rider sumambulat

Motor vs truck, lamang-loob ng rider sumambulat

December 15, 2022 @ 2:00 PM 2 months ago


Bulacan – Kalunos-lunos ang sinapit ng 32-anyos na binatang motorcycle rider na nalasog ang katawan matapos aksidenteng bumangga at pumailalim sa truck sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang biktima na si Arnel Olayvar, driver, residente ng Brgy. Sto. Cristo, SJDM habang ang driver ng truck ay si Demetrio San Juan, 44, residente ng Brgy. Minuyan, Norzagaray.

Sa report ni SJDM Acting chief of police PLt. Col. Ronaldo Lumactod Jr, naganap ang insidente bandang alas-9:20 ng gabi nitong Disyembre 14, sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Sto. Cristo,malapit sa Tialo Bridge.

Ayon sa report, dahil sa maputik at madulas na kalsada dulot ng ulan ay aksidenteng nagsalpukan ang Isuzu truck na pa-south bound sa kasalubong na rider na umano’y nawalan ng kontrol lulan ng SYM motorcycle.

Nabatid na sumalpok ang motor sa kaliwang bahagi ng harapan ng truck kaya tumilapon ang rider sa likurang bahagi ng mga gulong na dumagan sa kanyang dibdib at nagpasambulat sa kanyang mga lamang-loob.

Sinasabing madulas ang kalsada dahil sa putik at dulot ng ulan kaya dapat mag-ingat ang motoristang dadaan sa naturang lugar.

Dinala agad ang bangkay sa kalapit na punerarya habang ang driver na boluntaryong sumuko na nahaharap sa kaukulang kaso ay nasa kostudiya ng pulisya. Dick Mirasol III