Motorcade ng Itim na Nazareno sa gitna ng pandemic iimbestigahan 

Motorcade ng Itim na Nazareno sa gitna ng pandemic iimbestigahan 

September 15, 2020 @ 7:00 PM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines-Iimbestigahan ng Joint Task Force COVID Shield ang isinagawang motorcade ng Itim na Nazareno ngayong Martes sa labas ng Quiapo Church dahil sa umano’y paglabag sa social distancing protocols.

Sa panayam kay JTF COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, sinabi nitong nakipag-ugnayan na sila kay Manila Police District district coordinator Police Brigadiear General Rolly Mirada at Lt. Col. John Guiagui, hepe ng Station 3, ukol dito.

Ayon kay Eleazar, nagsabi ang Quaipo Church administratino na magkakaroon sila ng ganitong prusisyon subalit diniscourage nila ito dahil sa talagang bawal pa ito sa ilalim ng general community quarantine, batay sa omnibus guidelines ng gobyerno.

“While it is true na maganda po ‘yung intensyon at nabanggit nga na kaya nga po nilagay sa karosa para iikot na lang, pero ang nangyari po ay siyempre ‘pag nilabas natin ‘yan (imahe), magsusunuran ang mga tao,”  ayon kay Eleazar.

“Bagama’t tapos na ito, nangyari na, kumbaga sinasabi natin, wala naman tayong pwedeng arestuhin diyan, pero tapos na po ‘yan pero puwede po na imbestigahan ‘yan. At kung makakukuha po ng sapat na ebidensya, depende po sa magiging resulta ng imbestigasyon, pwede pong mag-file ng kaso at managot ‘yung nagkasala rito,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi naman ni Quiapo Church Vicar Father Douglas Badong na may pahintulot sila mula sa local government para magsagawa ng motorcade.

“Kami naman po ay humingi ng permiso sa Obispo, maging sa local government kung puwede kaming magkaroon ng motorcade. ‘Yung usual kasi na ginagawa ng procession ‘pag Nazareno, naka-Carroza o kaya pinapasan. So para ma-avoid ‘yung pagsisiksikan ng mga tao kaya naisipan na i-motorcade na lang po para at least mas mabilis na lumalakad ‘yung prusisyon, makaiwas sa pagdumog ng tao,” pahayag nito.

Tiniyak naman ni Badong na ang kanilang “Hijos del Nazareno” o marshals  ay pawang nakasuot ng face mask at face shield sa naturang aktibidad na umano’y hindi nila ipinabatid sa publiko.

“Ito naman po ay hindi na namin in-announce sa publiko para nga hindi sila magpuntahan dito kasi ang layunin talaga namin ay ilibot lang sa buong paligid ng Quiapo ‘yung Nazareno. Hindi namin ito pinublic para hindi sila pumunta at sumama sa prusisyon. ‘Yung sa mga daraanan, ang tanging hangarin namin, tumayo lang sila sa kung saan sila o dumungaw lang sila sa bahay nila kasi kakaiba talaga na makita mo ‘yung imahen ng Nazareno,”  dagdag pa ni Badong. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...