MOTORCYCLE CRASHES, NAKABABAHALA NA

MOTORCYCLE CRASHES, NAKABABAHALA NA

December 15, 2022 @ 8:36 AM 2 months ago


SA huling talaan na ating nakalap, tinatayang umaabot sa 22, 924 ang kaso ng motorcycle accidents na nangyayari sa Metro Manila ngayong taon.

Nakaapekto ang pagtaas ng bilang dahil sa dagdag na panibagong 1, 560 kaso ng aksidente na nai-report mula noong nakaraang taon.

Kung susundan natin ang mga numero, lumalabas na may average na 41 individuals bawat araw ang nagiging biktima dahil sa ‘motocycle-related accidents’. Ang masaklap ay ang pagbubuwis ng buhay ng mga nasangkot tulad ng rider, angkas, pedestrian at iba pa. Idagdag pa natin ang pagkasira ng ari-arian sa bawat disgrasya.

Nakababahala ito dear readers. Kailangang umaksyon agad ang mga awtoridad. Kung hindi man mapigilan ay siguro naman kaya nating pababain ang bawat bilang. Pero ano ba sa tingin n’yo ang dahilan kung bakit nangyayari ang aksidente sa motor?

Hindi man natin nasilip o naurirat ang mga police report ng bawat kaso, pero puwede nating isiwalat ang mga personal na obserbasyon kung bakit nangyayari ang mga ito. Lilinawin lang natin na hindi tayo nagagalit at hindi natin pinag-iinitan ang mga nagmomotor kundi pinag-uusapan lang po ang tama at mali para maiwasan ang aksidente.

Una, may mga rider na hindi lisensyadong nagmamaneho ng motor. Pangalawa, may lisensiyado pero wala namang kumpletong training o refresher course sa defensive driving. Pangatlo, masyadong mababaw ang parusa para sa mga walang lisensya, kadalasan impounding lang ng motor ang nangyayari sa mga nahuhuli. Hindi katulad sa ibang bansa na ikinukulong. Pang-apat, malakas pa rin ang loob ng ilang rider sa pagsuway sa RA 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009.

Kung hindi man suot ang helmet, minsan maoobserbahan mong ipinapatong lang nila ito sa ulo. Para bang sinasabi na nakakahiya ang pagsusuot ng helmet, ang labas tulo, para siyang “alien” na nasiraan ng spaceship, he-he-he. Panglima, hindi naman lahat pero may ilang enforcer na pagkatapos tiketan ang hindi naka-helmet, hahayaan pa ring magmaneho sa kalye. Papaano kung mabangga siya at mamatay dahil naka-concentrate ang kanyang isip hindi sa pagmamaneho kundi sa laki ng babayaran niyang multa. At ang panghuli, ang rampant na over speeding dahil sa work pressure at pagmamadali lalo na ng mga delivery rider.

Sana makaisip ang mga awtoridad ng mabisang paraan para maprotektahan ang motorcycle riders gayundin ang angkas nito at publiko. Lalo na ngayong marami ang nais gumamit ng motorcycle o magnegosyo gamit ang nasabing sasakyan.