Motorcycle lane magiging eksklusibo sa motor – MMDA

Motorcycle lane magiging eksklusibo sa motor – MMDA

October 22, 2022 @ 2:04 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kay 1-Rider Party-list Rep. Bonifacio Bosita na magiging ekslusibo sa mga motorcycle rider ang planong motorcycle lane sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Ito ay makaraang maglabas ng hinaing si Bosita sa hindi maayos na pagpapatupad nito noon.

“Napakatagal na nitong motorcycle lane. Pero kung ang mangyayari, sasabihin na motorcycle lane pero lumalabas na parang sinasakal lang ang mga motorcycle riders,” aniya sa panayam ng Radyo Pilipinas.

“Dati po, totoo na may sinasabi na motorcycle lane pero ang parang binabantayan lang, motorcycle lane. Bawal kang lumabas. Pero itong mga malalaking sasakyan, malaya sa loob. Sila yung siga, hari-hari. Sabi ko, kung ganun ang mangyayari, eh huwag na nating pag-usapan itong motorcycle lane,” dagdag niya.

Sa kabila nito, ibinahagi rin ni Bosita na siniguro sa kanya ng MMDA na hindi na mauulit ito at mananatiling eksklusibo ang motorcycle lane para sa kanila.

“So nag-commit naman po sila na ito ay once na talagang ma-finalize itong design na ito, na itong motorcycle lane, magiging exclusive po ito sa motorcycle riders. Ibig sabihin po, mahigpit nilang babantayan ang ibang motorista,” pagbabahagi ni Bosita. RNT/JGC