Motoristang may ‘Friendship route stickers’ sa Las Pinas, ‘di lusot sa coding

Motoristang may ‘Friendship route stickers’ sa Las Pinas, ‘di lusot sa coding

September 10, 2022 @ 11:04 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas na ang kanilang mga iniisyung friendship route stickers para sa mga sasakyan na pag-aari ng mga residente ng lungsod ay hindi exempted para sa expanded number coding scheme na kasalukuyang ipinapatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel” Aguilar na ang mga pribadong behikulo na may nakapaskil na friendship route stickers sa kanilang mga sasakyan ay nagagamit lamang sa loob ng mga subdibisyon habang ipinapatupad ang number coding scheme at hindi maaring gamitin bilang pases para makadaan sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road.

Kasabay nito ay pinaalalahanan ni Aguilar ang lahat ng motorista na ang mga sasakyan na may huhihang numero ng plaka ay 1 at 2, ipinagbabawal ang mga ito na dumaan sa mga pangunahing kalsada sa lungsod tuwing araw ng Lunes, 3 at 4 tuwing Martes, 5 at 6 tuwing Miyerkules, 7 at 8 tuwing Huwebes pati ang 9 at 0 sa araw naman ng Biyernes sa mga oras ng pagitan ng alas 7:00-10:00 ng umaga at mula alas 5:00 ng hapon hanggang alas 8:00 ng gabi.

Ayon pa kay Aguilar, ang mga sasakyang exempted sa ipinapatupad na ban ay ang mga public utility vehicles (PUVs) kabilang ang mga tricycles, transport network vehicle services (TNVS), motorsiklo, garbage trucks, fuel trucks, markadong sasakyan ng gobyerno, fire trucks, ambulansya, marked media vehicles, at mga motor vehicles na may kargang esensyal o perishable goods.

Dagdag pa ni Aguilar na kanyang pinappakiusapan ang mga residente na sumunod sa ipinapatupad na number coding scheme upang makabawas sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lungsod tuwing rush hours. James I. Catapusan