Motornaper sa QC, nanlaban; tepok!

Motornaper sa QC, nanlaban; tepok!

November 8, 2022 @ 7:20 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Pagkamatay ang napala ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang sinasabing mga motornaper nang makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) District Anti-Carnapping Unit (DACU) sa Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Martes ng madaling araw.

Inilarawan ni QCPD Director, PBGEN Nicolas Torre III, ang suspek na napatay na may taas na 5”4’, payat ang pangangatawan, nakasuot ng black hoody jacket, brown short pants at may mga tattoo na “Lito Gomez” sa kanang braso at “Edwin Ching” sa likod, habang nakatakas naman ang kasamahan nito na nakasuot ng black T-shirt at maong pants.

Nakilala naman ang biktima na si Ronan Lamadora Samonte, 34-anyos, may asawa, Angkas biker, tubong Leyte at residente ng Brgy. San Mateo, Norzagaray, Bulacan.

Sa ulat ni PMAJ Don Don Llapitan, Hepe ng DACU, bandang alas-2:21 ng madaling araw (Nobyembre 8), nagsasagawa ang kaniyang mga tauhan ng anti-criminality operation nang mamonitor nila sa District Tactical Operation Center (DTOC) na kinarnap ng dalawang hindi pa kilalang supek ang isang maroon/white SYM motorcycle na may plate number AD-68522, na pag-aari ni Samonte sa kanto ng Dhalia at Walnut Sts.. sa Brgy. Fairview, Q.C.

Agad na nagresponde ang ang mga pulis, kasama ang biktima at habang binabagtas ang bahagi ng Mindanao Ave., Extension, Brgy. Ang Sta. Monica, Novaliches, ay namataan nila ang mga suspek na sakay ng kani-kanilang mga motorsiklo, at isa dito ay pag-aari umano ng biktima.

Dahil dito ay hinarang ng mga pulis ang mga suspek ngunit sa halip na huminto ay binilisan pa nila ang pagtakbo dahilan upang habulin sila ng mga operatiba hanggang makorner sa nasabing lugar.

Pero nang lalapitan na sana ng mga operatiba ang mga suspek ay biglang bumunot ng baril ang isa sa kanila at pinaputukan ang mga pulis na nakasuot ng bullet vest, dahilang upang gumanti na rin ng pamamaril ang mga awtoridad, na nagresulta sa agarang pagkamatay ng isa sa mga suspek habang ang isa naman ay nakatakas.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang kinarnap na motorsiklo mula sa biktima, isang itim na Honda Click na walang plate number at isang Cal. 38 revolver. Jan Sinocruz